Tulad ng karaniwang kahulugan ng salitang ito, ang sablay ay isang piraso ng damit na ipinapatong sa isang balikat at tumatawid sa dibdib hanggang baywang.


Pampalamuti ang karaniwang pangunahing layunin ng pagsusuot nito.


Sa panahong ito lamang ang suot sa katawang pangitaas ng lalaki, ang sablay ay nagsisilbing alampay o sinasabitan ng mga gamit at palatandaan ng pagkalalaki. Noon pa, itinutupi nang pahaba ng mga babaeng Muslim ang malong at ginagamit na pamatong sa balikat. Ginugupit ng iba ang isang tela nang pahaba sa lapad na 8 pulgada at ito ay ginagamit bilang pampalamuting sablay.


Ang mga tao sa iba’t ibang komunidad ay ginagamit ang sablay bilang pampunas sa pawis o bilang sapin sa kamay kapag nagbubuhat ng mga bangka at iba pang mga karga.


Sa modernong panahon, bahagi ang sablay ng moda sa kasuotan. Gayunman, katangi-tangi ang naging paggamit dito sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bilang bahagi ng pormal na kasuotan sa pagtatapos.


Iniwaksi ng UP ang toga at nakagisnang kasuotang Kanluranin sa mga seremonya ng gradwasyon. Ipinalit ang barong tagalog para sa lalaki at anumang pormal na bestida para sa mga babae. Ngunit kailangang magsuot sila ng sablay na may opisyal na kulay ng unibersidad. Bukod sa layuning higit na maging maginhawa ang kasuotan ng mga guro’t mag-aaral, ang pagsusuot ng sablay ay napapatnubayan ng adhikaing makabayan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: