Ang malong ay isang tradisyonal na “tubo palda,” may iba’t ibang kulay na telang koton, at iba’t ibang disenyong heometriko o okkir. Tinatawag itong “tubo palda” dahil bawat piraso ng damit, lalo na ang nabibili sa kasalukuyan, ay pinutol na tila túbo. Ang málong ay kamag-anak ng sarong ng mga tao sa Malaysia, Brunei, at Indonesia at karaniwang damit ng Muslim sa anyong panabi.


Ang malong ay maaaring palda para sa kalalakihan at kababaihan. Bukod sa damit, ginagamit itong kumot, tabing, bedsheet, bihisan, duyan, banig ng panalangin, at iba pang mga layunin.


Ang isang bagong panganak ay ibinabálot sa isang málong. Kapag namatay, ibinabálot siyá sa isang málong. Ang málong ay ginagamit sa malalaking pista at isinusuot ito upang ipakita ang paggálang.


Ang gawang-kamay na malong ay mula sa sinaunang habihan ng Maranaw, Magindanaw, at Tiboli. Ang estilo ng málong ay maaaring magpahiwatig ng panliping pinagmulan ng manghahabi, tulad ng landap ng Maranaw. Ang gawang-kamay na málong ay mahal kayâ ang pang-araw-araw at modernong málong ay gawa sa koton at sintetikong sinulid mula sa mga pabrika ng tela.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: