Kasuotan
Maaari itong yari sa iba’t ibang materyales gaya ng bulak, lana, katad, polyester, at iba pa. Bahagi rin ng gayak o kasuotan ang mga alahas o iba pang aksesoryang inilalagay sa katawan.
Nag-iiba-iba ang uri ng pananamit o kasuotan ng mga tao ayon sa kultura at klimang taglay ng lipunang kinabibilangan nila. Impluwensiyal din sa uri ng pananamit ang pagkakaroon ng kaugnayan sa mga dayuhang kultura bunsod ng pakikipagkalakalan sa mga kalapit-bansa sa Asia o pagdating ng mga dayuhang mananakop.
May pangkat ng mga mamamayan gaya ng mga Aeta, Mangyan, at iba pa na namumuhay nang sadyang kakaunti ang saplot sa katawan. May mga pangkating etniko naman na pawang may kani-kaniyang uri ng pananamit na nakabatay sa tradisyon, paniniwala, at kaligiran.
Nagkaroon ng imposisyon sa uri ng kasuotan ng mga Filipino nang mapailalim sa kapangyarihan ng mga kolonyalistang Espanyol ang Pilipinas. Isang halimbawa, ang pagpapasusuot ng mahabang damit na natatakpan ang buong katawan kahit hindi na ito akma sa klima ng bansa. Sa pagbabago ng kasuotan, hindi lamang ang pananamit ang nasakop, kundi maging ang katawan at kamalayan ng nasasakupan.
Samantala, nagiging batayan din ng pagtukoy sa kasarian (“pambabae” kung blusa at palda, “panlalaki” kung kamiseta at pantalon) at estadong panlipunan (“pangmayaman” at “pangmahirap”) ang klase ng gayak ng mga mamamayan. Madalas ding nakikisabay ang tipo ng pananamit ng mga tao sa kung ano ang uso sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan at sa itinatakda ng kulturang popular.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kasuotan "