Kata-Kata
Itinuturing itong mahiwaga’t relihiyosong awit sa panggagamot ng maraming Sama Dilaut. Gayunman, may mga Sama na nakatahan sa lupa na itinuturing lamang itong karaniwang bahagi ng kanilang panitikang-bayan.
Ang kata-kata bilang awit sa panggagamot ay itinuturing na banal at malimit na isinasagawa lamang ng isang djin o tagapamagitan sa panggagamot. Tinatawag ang djin ng kamag-anakan ng may malubhang karamdamang ipinalalagay na dulot ng masamang espiritu.
Sa gabi ng panggagamot, isinagawa ng djin ang mga kaukulang pag-aalay at seremonya. Kailangan ang ganap na katahimikan. Ang pag-awit ng kata-kata ay itinuturing na napakabanal. Hindi dapat magkamali ang djin sa pag-awit. Kapag nagkamali o may nakalimutan, maaaring magalit ang espiritu ng mga ninuno.
Isa o dalawang oras ang bawat salaysay at humihinto ang djin upang mamahinga o uminom. Ipinagpapatuloy ang pag-awit alinsunod sa pakiramdam ng djin. Kung hindi gumalíng ang maysakit, inuulit ang seremonya at pag-awit ng kata-taka sa susunod na gabi at susunod pang gabi kung kailangan.
Ang kata-kata ay malimit na hinggil sa pakikipagsapalaran ng mga maalamat na bayani sa malalayòng lupain at ang engkuwentro nila sa mga kakaiba at engkantadong nilalang. Nagtataglay ang mga istorya ng aral hinggil sa mga paniwala, kaugalian, at pamahiin ng pangkating Sama.
Isang halimbawa ang pakikipagsapalaran ni Datu Amilebangsa upang hanapin ang engkantadong lupain ng Bailan-Asaha. Sa paglalakbay, marami siyang nakatagpong engkantadang babae na nangangarap mapangasawa niya. May mga nakatunggali din siyang mga engkantadong mandirigma.
Sa dulo, nakatagpo niya si Maajarat-Tornorka at iniuwi ito upang pakasalan. Nabuntis ang babae ngunit namatay sa panganganak. Sa ikalawang yugtong istorya, hinanap si Maajarat-Tornorka ng kaniyang sanggol na anak sa kabilângbúhay. Nakita naman ng bata ang ina ngunit hindi nagtagumpay maibalik sa mundo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kata-Kata "