On
Ang balitaw ay isang tradisyong Sebwano. Ito ay kombinasyon ng awit, sayaw, at debate ng lalaki at babae. Isang tagisan ito ng husay sa musika at katwiran. Ang debate ay karaniwang umiikot sa paksang pag-ibig.


Ang sayaw ay karaniwang nagsasadula ng pag-aalay ng lalaki ng bulaklak sa napupusuang babae. Ang pagtanggap ng bulaklak ay tanda ng pagsangayon ng babae sa iniaalay na pag-ibig sa kaniya.


Sinasabing nagmula pa sa sinaunang tradisyon ang balitaw, bago pa man dumating ang Espanyol sa kapuluan. Ito ay ginaganap tuwing may kasayahan at iba pang mga pagdiriwang. Sa pagdaraos ngayon ng balitaw, karaniwang sinasaliwan ito ng gitara o arpa. Lalaki ang tumutugtog ng gitara habang idinaraos ito.


Ang balitaw ay isinusulat sa tunugang mayor at menor. Ang balitaw sa tunugang mayor ay karaniwang nasa estruktura at katangiang Europeo. Sa tunugang menor naman, ito ay umampon ng ritmong Espanyol na tinatawag na bolero.


Ang balitaw ay tumutukoy rin sa isang uri ng estruktura ng likhang musika ng Tagalog. Isinusulat ito sa batayang kompas na 3/4. Ginagamit din ito bilang indikasyon ng bilis sa mga likhang musika ng mga klasikong kompositor.


Halimbawa, ang “Arimunding-munding” nina C. Reyes at J. Benasa, at ang “Bakya Mo Neneng” nina Levi Celerio at S. Suarez ay nasa tiyempong balitaw.


Samantala, ang “Dalagang Filipina” nina J. Santos at Jose Corazon de Jesus at “Larawan” ni Francisco Buencamino ay nasa pormang balitaw.


Narito ang isang halimbawa ng balitaw mula sa rehiyong Tagalog:


Inday, Inday sa balitaw Neneng, Neneng sa balitaw


Batang nabalian, Kahoy nakahapay,


Kahoy na sariwa, Sandok nakasuksok,


Saging na nilaga, Siyansing nabaluktot,


Kinuha sa lungga, Palayok nakataob,


‘Binabad sa suka, Sinigang na matabang,


Gamot sa sikmura. Kulang sa sampalok.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: