Sino si Claro M Recto?


Si Claro Mayo Recto Jr. (Klá·ro Má·yo Rék·to) ay isang makabansang estadista, manunulat sa Espanyol at Ingles, at itinuturing na “Ama ng Konstitusyong 1935.” Siya rin ang hulíng mahistrado ng Korte Suprema na hinirang ng presidente ng Estados Unidos.


Isinilang siya noong 8 Pebrero 1890 sa Tiaong, Tayabas (ngayon ay lalawigan ng Quezon) kina Claro Recto at Micaela Mayo, kapuwa mula sa maykayang pamilya. Bata pa siya nang lumíkas patungong Lipa, Batangas ang kaniyang pamilya.


Nagtapos siya ng batsilyer sa sining sa Ateneo de Manila noong 1909 at ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1913.


Pumasok siya sa politika noong 1919 nang mahalal na kinatawan ng Batangas sa Lehislatura ng Filipinas. Dalawang beses pa siyang muling nahalal at naging lider ng minorya sa Mababang Kapulungan noong 1922 at 1925.


Naging senador siya noong 1931 at nahalal na delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1934. Naging pangulo siyá ng kumbensiyong ito hanggang matapos ang Konstitusyong 1935.


Noong 1935, hinirang siyang katulong na mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas pero nagretiro pagkaraan ng dalawang taon. Dalawang beses muli siyáng naging senador, noong 1949 at 1953, at noon siya nagsimulang tumanyag bilang masigasig at makabansang oposisyonista na tumuligsa sa patakarang panlabas ng Filipinas. Noong 1957 din siya kumandidato bilang pangulo ng bansa ngunit hindi nagwagi.


Isa siyang mahusay na makata. Kinilala ang kaniyang malikhaing talino nang manalo sa isang paligsahang pampanitikan ang kaniyang dulang may isang yugto na La Ruta de Damasco (1914). Isa pa niyang dula ang nagwagi ng premyo, ang Solo Entre Las Sombras (1917). Bukod dito, maraming naging mahahalagang talumpati at sanaysay sa Espanyol at Ingles si Recto na naglalarawan ng kaniyang mga makabansang pananaw sa politika at kabuhayan. Ilan sa mga ito ang lumabas sa My Crusade (1955).


Namatay siyá sa sakit sa puso noong 2 Oktubre 1960 habang nasa Roma, Italya. Inilibing siyá sa Cementerio del Norte sa Maynila.

 

Sa edad na 70, binawian ng buhay ang tinaguriang “the finest mind of his generation”, ang “Great Academician” at ang makabagong makabayan ng kanyang panahon, si dating Senador Claro M. Recto. Namatay siya sa araw na ito noong 1960 habang nasa Roma, Italya at papunta sana itong Espanya kung saan siya naimbitahang magsalita para sa isang pagpupulong doon. Dahil wala namang napaulat na sakit si Recto habang nasa Roma ay kumalat ang tsismis na may kinalaman ang Central Intelligence Agency (CIA) sa pagkamatay ni Recto. Nadiskubre sa mga dokumentong galing sa Amerika ang umano’y balak ng CIA na paglason kay Recto ilang taon bago ito mamatay. Huling nakita si Recto na may katagpong dalawang hindi pa nakikilalang lalaking naka-business suit, na posibleng mga ahente ng CIA na nagpapatay kay Recto.


Isinilang si Claro Mayo Recto, Jr. noong ika-8 ng Pebrero, 1890 sa bayan ng Tiaong, Tayabas (ngayon ay lalawigan ng Quezon), mula sa gitnang-uring pamilya nina Claro Recto, Sr., at Micaela Mayo. Nakapag-aral siya ng wikang Latin sa Instituto de Rizal sa Lipa, Batangas at ipinagpatuloy ang pag-aaral ng sekundarya sa Colegio del Sagrada Corazon at nagtapos noong 1905. Naging estudyante rin siya sa Ateneo Municipal de Manila at nagtapos roon ng Bachelor of Arts bilang maxima cum laude. Nakuha rin niya ang kanyang Master’s degree sa kursong Batas sa University of Santo Tomas, at Doctorate degree sa parehong kurso sa Central Philippine University.


Si Claro Recto, Jr. ay naging isang pulitiko, huwes, at kalauna’y ama ng Konstitusyon ng 1935. Taong 1919 nang maging kongresista siya ng ikalawang distrito ng Batangas, at naging minority floor leader ng Kongreso. Panandaliang iniwan ni Recto ang pulitika para magsilbing propesor ng batas, at noong 1924 ay itinatag niya ang Partido Democrata matapos siyang pumuntang Amerika para maging bahagi ng misyong pangkalayaan para sa Pilipinas. Nahalal siya bilang Senador, at itinalaga bilang Associate Justice ng Korte Suprema mula 1934 hanggang 1935.


Naatasan naman siya na pamunuan ang Constitutional Convention na siyang magbabalangkas sa magiging Konstitusyon ng pamahalaang Commonwealth, ayon na rin sa Tydings-McDuffie Law na naggarantiya ng 10 taong transisyon patungo sa soberanya ng bansa. Siya rin ang nagprisenta ng huling balangkas ng bagong Saligang Batas kay Pangulong Franklin D. Roosevelt, at inaprubahan rin niya noong kaarawan ni Recto noong 1935. Naging Senador ulit siya sa ikalawang termino, pero nang dumating ang mga Hapones ay nanilbihan siya sa mga iyon bilang Commissioner of Education at Minister of Foreign Affairs noong 1942 hanggang 1944.


Bagama’t isang debotong Kristiyano, mahigpit niyang nakabangga ang Simbahang Katoliko, una ay nang binatikos niya ang panghihimasok ng Simbahan sa kalayaan sa pagboto, pangalawa ay ang pagtuturo ng relihiyon sa mga pampublikong paaralan, at lalo na ay nang ipanukala niya ang Rizal Law, na nagmamandato sa mga high school at kolehiyo sa buong bansa na pag-aralan ang buhay at mga likhang nobela ni Jose Rizal. Ipinanukala rin niya ang paglilinaw sa prinsipyo ng paghihiwalay ng god-belief sa estado. Sa huli, sa kabila ng pagprotesta ng kaparian sa Rizal law, naipasa ito at inaprubahan ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1956. Higit sa lahat, isa ring makata si Recto, na ginamit ang kanyang talento sa pagsusulat para payabungin ang pagmamahal sa sariling bayan at pagwawaksi sa colonial mentality. Isa sa mga huling trabaho niya bilang Senador ay ang implementasyon ng polisiyang “Filipino Muna” sa administrasyong Carlos Garcia. Itinuring na banta para sa CIA ang kanyang pagiging makabayan sa halip na maka-Amerikano, lalo na ng kanyang krusada laban sa pagpapanatili ng base militar ng Amerika sa ating bansa. Nang minsang tumakbo si Recto sa pagkapangulo noon 1957 laban kay Pangulong Garcia, gumawa ang CIA ng paraan para matalo ito sa halalan, nang ipinalabas nitong nagpapamudmod si Recto ng depektibong condoms na nakapangalan kay Recto.


Ang kanyang legasiya ng pagmamahal at debosyon sa sariling bayan at tunay na lingkod-bayan ang walang dudang nagpabantog sa kanya bilang isa sa dakilang Pilipino na nabuhay, kahanay si Jose Rizal at Apolinario Mabini.


Bilang pagpapahalaga sa kaniya, ang daang Azcarraga sa Maynila ay pinangalanang Abenida Claro M. Recto.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr