Kataas-taasang Hukuman
Pangunahing katungkulan nito na ipaliwanag ang mga batas at magpasiya higgil sa wastong interpretasyon ng pagpapairal ng mga ito.
Tungkulin ng Kataas-taasang Hukuman na litisin ang mga kaso ng paglabag sa konstitusyon, suriin ang batayang legal ng pagpapataw ng buwis, repasuhin ang mga inapelang kaso mula sa mababang hukuman, at magbigay ng pangwakas na desisyon sa mga kasong may parusang habambuhay na pagkabilanggo. Ang Kataas-Taasang Hukuman din ang nangangasiwa sa lahat ng hukuman sa Filipinas.
Noong panahon ng kolonyanismong Espanyol, ang Audiencia Real ang nagsilbing pinakamataas na hukuman sa Filipinas.
Nang sakupin ng Estados Unidos ang bansa, itinatag ng mga Amerikano ang unang Kataas-Taasang Hukuman sa pangalang ingles nito, ang Supreme Court, noong 11 Hunyo 1901 sa bisa ng Batas 136 na ipinasa ng Komisyon sa Filipinas.
Pinagtibay ang institusyonalisasyon ng mataas na hukuman ng isabatas ng kongreso ng Estados ang Unidos ang Philippine Bill ng 1902. Si Cayetano Arellano ang nahirang na unang Punong Mahistrado.
Mula 1901 hanggang 1935, ang kalakhan ng mga mahistrado ng Kataas-Taasang Hukuman ay mga Amerikano, bagaman Filipino ang palaging itinatalagang Punong Mahistrado.
Nakamit lamang ang lubos na Filipinisasyon ng mataas na hukuman ng itatag ang pamahalaang Komonwelt noong 1935. Kabilang sina Claro M. Recto at Jose P. Laurel sa mga unang Filipino hinirang upang palitan ang mga Amerikanong mahistrado.
Sa kasalukuyan, ang Kataas-Taasang Hukuman ay binubuo ng isang Punong Mahistrado at 14 kasangguning mahistrado.
Ang bawat magiging kasapi ng mataas na hukuman, kabilang na ang Punong Mahistrado, ay pinipili ng Pangulo ng Filipinas mula sa listahan ng tatlong nominado na rekomendado ng Judicial Bar Council. Ang pagtatalaga sa isang mahistrado ay hindi na kailangang pagtibayin ng Kongreso ng Filipinas.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kataas-taasang Hukuman "