Ano ang tanodbayan?


Ang Tanodbayan ay isang natatanging tanggapan na may tungkuling tumanggap at magsiyasat ng mga sumbong at paratang laban sa mga tiwaling kawani at opisyal ng pamahalaan.


Saklaw din ng tanggapang ito ang pag-iimbestiga sa mga tiwaling opisyal ng mga korporasyong ari at kontrolado ng gobyerno. Kung kinakailangan, nagsasampa ang Tanodbayan ng kriminal o sibil na kaso sa Sandiganbayan upang usigin ang mga nagkasala.


Sa kasalukuyan, kinikilala ang tanggapang ito bilang Opisina ng Ombudsman ayon sa Batas Republika Blg. 6770 s.1989.


Ang Ombudsman ay institusyong nagmula sa mga bansang Scandinavia. Pinangangalagaan nito ang kapakanan ng mga mamamayan upang maipagtanggol silá laban sa mga tiwali at nagmamalabis na opisyal at kawani ng pamahalaan. Ang Ombudsman ay nagsilbing epektibong instrumento ng karaniwang mamamayan upang maipahayag ang kanilang mga hinaing laban sa katiwalian. Ang prinsipyong ito ang sinusunod ng tanggapan ng Tanodbayan.


Nilikha ang tanggapan ng Tanodbayan noong 11 Hunyo 1978 sa bisa ng Kautusang Pampanguluhan Blg. 1486 at 1487. Naaayon ang Kautusang ito sa diwa ng Konstitusyong 1973 na nag-uutos sa pagtatatag ng isang natatanging tanggapan ng Ombudsman. Pinalawak at pinatatag pa ng Saligang-Batas ng 1987 ang kapangyarihan ng Tanodbayan.


Ginawang nagsasarili ang tanggapan at malaya mula sa iba pang sangay ng pamahalaan. Binigyan din ng kalayaan sa pananalapi ang Opisina ng Ombudsman. Higit sa lahat, ang paghirang sa Punong Ombudsman at kaniyang mga kinatawan ay hindi na mangangailangan ng kumpirmasyon ng Kongreso.


Maaari lamang silang tanggalin sa katungkulan sa pamamagitan ng proseso ng impeachment. Nilalayon nitó na protektahan ang tanggapan ng Tanodbayan laban sa panggigipit at impluwensiya ng anumang sangay ng pamahalaan. Nais ng Saligang-Batas na magampanan ng Ombudsman ang kaniyang mga tungkulin nang walang pangingimi at agam-agam.


Pinagmulan: NCCA Official }| Flickr