Ang impeachment (impitsment) ay isang proseso ng pagsasakdal upang matiwalag sa tungkulin ang isang mataas na opisyal ng pamahalaang tulad ng pangulo, mahistrado ng kataas-taasang hukuman, at iba pa na hindi maaaring ihabla sa ordinaryong hukuman.


Mula ito sa wikang Latino na impedicare na nangangahulugang masalabid o mapangaw. Una itong ginamit sa parlamentong Ingles laban kay Baron Latimer noong ikalawang bahagi ng ika-14 siglo.


Sa ilalim ng Seksiyong 2 at 3, Artikulo XI, ng Konstitusyong 1987 ng Filipinas, ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng Filipinas ang may kapangyarihang magpasimula ng impeachment.


Maaaring ihain sa naturang Mababang Kapulungan ang sakdal laban sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, miyembro ng Kataas-taasang Hukuman, miyembro ng mga Constitutional Commision, at miyembro ng Ombudsman.


Maaaring isakdal ang mga naturang opisyal sa pagkakasalang gaya ng panunuhol, katiwalian, pandarambong, at pagkakanulo sa tiwala ng publiko.


Kapag nakakuha na ng 1/3 suporta mula sa mga representante sa Mababang Kapulungan ang impeachment, dadalhin ito sa Senado ng Filipinas upang litisin at hatulan. Upang mahatulan ang nasasakdal, kinakailangan ng 2/3 na boto na pabor sa sentensiya. Kung nabigo ang impeachment o napawalang sala ang nasasakdal na opisyal, walang bagong kaso ang maaaring ihain laban sa naturang opisyal sa loob ng isang taon.


Marami nang inihaing impreachment ngunit hindi nakapapasa sa Mababang Kapulungan. Si Pangulong Joseph Estrada ang unang opisyal na isinailalim sa isang impeachment noong 2000. Naputol ang paglilitis sa Senado at nagkaroon ng pag-aalsa na nagpatalsik kay Pangulong Estrada.


Noong 2005, 2006, 2007, at 2008 ay naghain ng impeachment laban kay Gloria Macapagal-Arroyo ngunit wala sa mga kasong ito ang nagkaroon ng sapat na suporta sa Kapulungan ng mga Kinatawan.


Noong Marso 2011, may naghain din ng impeachment kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Hindi natuloy ang kaso at nagbitiw sa tungkulin si Ombudsman Gutierrez. Samantala, nagpatuloy ang paglilitis sa kasong impeachment ng Punong Mahistrado Renato Corona at nahatulan siya ng Senado noong Mayo 2012 na matanggal sa tungkulin.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: