Kabesera (cabesera) ang tawag sa sentrong bayan o lungsod ng isang lalawigan. Ito ang tinatawag na capital sa Ingles.


Dito matatagpuan ang kapitolyo o ang pangunahing gusali ng pamahalaang panlalawigan at ang mga mahalagang sangay ng pambansang gobyerno. Nagsisilbi itong sentro ng pamamahala, kalakalan edukasyon, kultura, at relihiyon.


Dahil sa kabesera umiinog ang pampolitika at pang-ekonomiyang búhay ng lalawigan, kadalasang mataas rin ang antas ng pag-unlad at pamumuhay dito. Dahil ang Kongreso lámang ng Pilipinas ang may kapangyarihang lumikha ng bagong lalawigan, ito rin ang nagtatakda ng magiging kabeséra.


Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga katutubong Filipino ay naninirahan sa maliliit, hiwa-hiwalay, at nagsasariling pamayanang barangay.


Nang sakupin ng Espanya ang Pilipinas, nagpatupad ang mga kolonyalista ng patakarang reduccion upang mapadalî ang pananakop at pamamahala sa mga katutubo. Layunin ng patakarang ito na magtatag ng mga pueblo na ang bawat isa ay tumitipon sa kalat-kalat na mga pamayanan.


Kalaunan, itinatag ng mga misyonero ang mga kabeséra upang maging lunsaran ng misyon tungo sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa mga pook sa paligid.


Kabeséra rin ang tawag sa puwesto sa hapag-kainan na karaniwang inilalaan sa pinakamatanda sa pamilya o sa mahalagang táong panauhin kapag kumakain. Sa parihabâng mesa, ito ang puwestong nása magkabilâng dulo.


Magandang balikan ang pag-aagawan ng mga fraile sa kabesera ng hapag-kainan ni Kapitan Tiago sa Noli me tangere.


Pinagmulan: NCCAOfficial | Flickr


Mungkahing Basahin: