Fraile (may bumabaybay din ng prayle) ang tawag sa kasapi ng alinmang ordeng panrelihiyon ng mga lalaki sa Simbahang Katoliko Romano.


Sa kasaysayan ng Filipinas, tumutukoy ito sa mga Agustino, Dominiko, Pransiskano, Heswita, at Rekoleto. Bukod sa ”Padre,” kadalasan ding ginagamit ang ”Fray” bilang titulo ng isang fraile, tulad ng ”Fray Damaso.” Kilalá silá bilang tagapagpalaganap ng Katolisismo sa kapuluan.


Sa mahigit tatlong dantaong pananakop ng mga Espanyol sa Filipinas, malaki ang ginampanan ng mga fraile sa paghubog ng kasaysayan at kulturang Filipino.


Marami siláng naitulong sa paglago ng bansa, tulad sa pagpapatayo ng mga paaralan at ospital, at pagtatatag ng mga bayan at baryo.


Sa kabilang dako, madalas din silang ilarawan sa kasaysayan bilang mga kalaban ng mga Filipino at ng kasarinlan ng bayan, mga abusadong diyos-diyusan na nagpayaman sa kabilâ ng kahirapan ng mga katutubo, at nagpapasasa sa mga babae.


Hindi maikakailang malaki ang naging ambag ng mga nobela ni Jose Rizal, gayundin ang ”Fray Botod” ni Graciano Lopez-Jaena, ”Dasalan at Tocsohan” ni Marcelo H. del Pilar, at iba pang akda sa La Solidaridad tungo sa ganitong paglalarawan.


Ang mga Agustino (Order of Saint Augustine) ang unang dumating na orden sa Pilipinas. Kasama sila sa paglalayag ni Miguel Lopez de Legaspi sa kapuluan noong 1525.


Sila ang nagtayo ng dalawa sa pinakamatandang simbahan sa Filipinas, ang Simbahang San Agustin sa Intramuros, Maynila, at ang Basilica Minore del Santo Niño sa Lungsod Cebu.


Itinatag nila ang Unibersidad ng San Agustin sa Iloilo. Kasunod na dumating sa Filipinas ang mga Pransiskano (Order of Friars Minor) noong 1578. Itinatag nila ang mga pook ng Santa Ana de Sapa, Paco, Pandacan, Sampaloc, at San Francisco del Monte sa kaligiran ng Maynila, at nakapagtatag o nangasiwa ng mahigit 200 bayan/parokya sa iba’t ibang lalawigan ng Luzon at Kabisayaan.


Itinayo nila ang mga ospital ng San Juan de Dios, ang pinakamatandang hospital sa bansa, at ang San Lazaro, ang unang leprosaryo sa Silangang Asia.


Ikatlong dumating sa Filipinas ang mga Heswita (Society of Jesus) noong 1581. Kilala bilang mga guro, nagtayo at nagpatakbo sila ng ilang paaralan.


Pinalayas sila mula sa kapuluan noong 1768 sa utos ni Haring Carlos III ng Espanya, at nakabalik lamang noong 1859. Noong taon ding iyon, inilipat sa kanila ang Escuela Municipal sa Maynila, na magiging Ateneo de Manila University.


Ikaapat na dumating sa Filipinas ang mga Dominiko (Order of Preachers, o Dominican Order) noong 1581. Kinatawan sila ni Domingo de Salazar, ang unang Obispo ng Maynila.


Itinayo nila ang Simbahang Santo Domingo sa Intramuros, at pagkaraang magiba ito sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinayong muli sa Lungsod Quezon bilang isa sa pinakamalaki at pinakamataas na simbahan sa bansa.


Itinatag nila ang dalawa sa pinakamatandang pamantasan sa Pilipinas, ang Unibersidad ng Santo Tomas noong 1611 at ang Colegio de San Juan de Letran noong 1620.


Ikalimang dumating sa Filipinas ang mga Rekoleto (Order of Augustinian Recollects, na nanggaling sa mga Agustino) noong 1606. Itinayo nila ang Simbahang San Sebastian, at nag-iisang neo-gotikong simbahang bakal sa bansa at sa Asia.


Itinatag nila ang San Sebastian College at ang University of San Jose.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: