marcelo h del pilar

Pangunahing lider ng Kilusang Propaganda, dakilang makata’t manunulat, si Marcelo H. del Pilar
(Mar·sé·lo Eyts del Pi·lár) (30 Agosto 1850-4 hulyo 1896) ay tagapagtatag at editor ng Diariong Tagalog at naging ikalawang editor ng La Solidaridad.


Bantog din siya sa sagisag-panulat na Plaridel.


Sa bantayog ng pagkilos para sa pambansang kalayaan, nasa unang hanay si Plaridel sa piling nina Rizal at Bonifacio.


Isinilang siya noong 30 Agosto 1850 sa Cupang, Bulacan, Bulacan sa isang mariwasang pamilya nina Don Julian Hilario, makata’t gramatiko at tatlong ulit naging gobernadorsilyo, at Blasa Gatmaitan.


Idinagdag niya sa pangalan ang apelyidong “del Pilar” ng kaniyang lola bilang pagsunod sa atas Claveria noong 1849. Kapatid niya si Padre Toribio na pinarusahan at ipinatapon sa Marianas dahil sa hinalang kasabwat sa motin sa arsenal ng Cavite noong 1872.


Pamangkin niya si Gregorio del Pilar, ang pinakabatang heneral ng Himagsikang Filipino.


Nag-aral siya sa Colegio de San Jose at kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Magtatapos na siya nang makasagutan ang kura ng San Miguel, Maynila at dahil dito’y nasuspinde sa unibersidad.


Noong Pebrero 1878, pinakasalan niya ang pinsang si Marciana del Pilar at nagkaanak sila ng pito bagaman sina Sofia at Anita lamang ang lumaki.


Nakatapos din siya ng abogasya noong 1880. Estudyante pa lamang ay aktibo na siya sa mga usaping pampolitika. Nakakatagpo niya sina Mariano Ponce, Briccio Pantas, Numeriano Adriano, at Apolinario Mabini sa ganitong harapan at nakakausap ang mga liberal na Espanyol at creole hinggil sa mga abuso sa kolonya.


Naging puspusan ang kaniyang pagkilos bilang repormista noong 1882. Itinatag niya kasama ang isang Espanyol ang bilingguwal na Diariong Tagalog. Ginamit niya ang husay sa pagtula at pagtatalumpati para batikusin ang gobyernong kolonyal sa pamamagitan ng duplo at pagsasalita sa sabungan at pista.


Naglathala siya ng satirikong polyetong Dasalan at Toksohan na ipinamudmod sa simbahan kung Linggo. Noong 1888, nag-organisa siya kasama nina Doroteo Cortes, Jose Ramos, at Juan Zulueta ng mga demostrasyong kontra-fraile at nagrurok sa petisyon noong Marso 1 para sa pagpapatalsik ng mga fraile sa Pilipinas.


Bago siya ipahuli, lihim siyang umalis patungong Espanya noong 28 Setyembre 1888. Pagdating sa Barcelona, agad siyang nagtrabaho para sa pagtatatag ng samahang repormista, ang La Solidaridad, na naglathala noong 15 Pebrero 1889 ng diyaryong La Solidaridad.


Pinatnubayan niya ang pagpapaliwanag sa mga repormang nais ng tinatawag ngayong Kilusang
Propaganda at naglathala ng mga maanghang artikulong politikal sa diyaryo.


Sa isyung Nobyembre 15, pinalitan niya si Graciano Lopez Jaena bilang editor ng peryodiko at inilipat niya ang lathalaan sa Madrid. Dumanas ng lubhang hirap ang kaniyang pamilya dahil sa kaniyang gawain.


Dumanas din siya ng lubhang sakit ng ulo sa paghawak ng La Solidaridad, kabilang na ang pamamagitan sa panloob na sigalot sa hanay ng mga propagandista at lalo na nang mawalan ito ng pondo mulang Filipinas.


Sinasabing may panahong sa namumulot lamang siya ng upos sa bangketa bílang pampalipas ng gutom. Naipalabas niya ang hulíng isyu ng diyaryo noong 15 Nobyembre 1895 at namatay ng tuberkulosis noong 4 Hulyo 1896. Inilibing siyá sa sementeryo ng mga pulubi sa Barcelona.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: