Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula: Lino O Brocka
Isa siyang direktor, manunulat, at prodyuser ng pelikula.
Ang kaniyang mga obra ay kinilala sa Filipinas at sa buong daigdig. Maituturing na mapangahas ang kaniyang paglikha dahil sa paglihis niya sa nakagawiang motibo at pormula ng paggawa ng pelikula.
Pinatunayan ni Brocka na ang ang paggawa ng pelikula ay higit pa sa negosyo at tubo kundi pagpapaunlad at pagmumulat ng kamalayan, at sa huli’y pagpapakilos ng Filipinong manonood.
Sadyang pinaksa niya ang iniwasan ng karamihan—mga paksang naglalantad sa mga sakit ng lipunan. Higit pang mapahahalagahan ang mga obra ni Brocka kapag isinaalang-alang na nalikha niya ang mga ito sa panahong sinisikil ng nasa kapangyarihan ang kalayaan sa pamamahayag.
Sa pagsunod sa mga pamantayang ito ng paglikha, nag- iwan siya ng mayamang kaban ng pelikulang ikararangal ng mga manonood ngayon at ng susunod pang henerasyon.
Ang pagsangkot ni Brocka sa pagsusulong ng isang lipunang malaya ay hindi lamang sumentro sa paggawa niya ng pelikula. Itinatag niya at pinamunuan ang Free the Artist Movement, na kalaunan ay mas nakilala bilang Concerned Artist of the Philippines (CAP).
Nanguna ang CAP sa paglaban sa pagpataw ng sensura ng gobyerno sa pelikula at sa paggigiit ng malayang pagpapahayag.
Ang mga pelikula ni Brocka ay nagtampok ng mga naratibo ng mga taong nakikipagtunggali sa realidad ng buhay, sa partikular, sa mga may hawak ng kapangyarihan sa lipunan.
Sa pelikulang Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag (1975), tumingkad ang mga sinematikong katangian na masasabing tatak Brocka.
Batay sa isang nobela, ang pelikula ay nagsasalaysay ng paghahanap ng isang lalaki sa Maynila sa kaniyang kasintahang dinala ng isang rekruter. Kasabay nito, ipinakita ni Brocka ang tunay na mukha ng Lungsod, madumi, madilim, malupit.
Sinundan ito ng Insiang (1977), isang inosenteng babae sa slum na binago ng paglapastangan sa kaniya ng amain.
Ang Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1984) naman ay kuwento ng isang manggagawa na dahil sa pangangailangan ng asawang buntis ay naging eskirol sa welga. Tinalikuran din siya ng amo kaya napilitan siyang sumali sa isang nabulilyasong pagnanakaw, hanggang sa mabaril siya’t mamatay.
Itinuring itong subersibo kaya’t tinangkang pigilin ang pagpapalabas, at hinayaan lamang matapos ang napakahabang labanan sa korte.
Ang Orapronobis (1989) ay matapang na pagtalakay sa pang-aabuso ng militar at paramilitar na sadyang pinalaganap at sinuportahan ng pamahalaan kaugnay ng programa nitong kontra insureksiyon.
Gaya ng Bayan Ko, hindi ito pinayagang maipalabas dahil diumano’y subersibo.
Ipinanganak sa Pilar, Sorsogon kina Regino Brocka at Pilar Ortiz si Catalino Brocka. May isang kapatid siya. Sinasabing politika ang dahilan ng pagkawala at pagpaslang sa kaniyang ama.
Dahil sa matinding kahirapang dinanas matapos mamatay ng ama, nagpasiyang lumipat ang mag-iina sa tirahan nito sa Nueva Ecija.
Nagtapos siya nang may maraming karangalan sa Nueva Ecija North High School at kasunod nito’y nakatanggap ng iskolarsyip sa Unibersidad ng Pilipinas.
Kumuha siya ng Bachelor of Arts in English Literature sa UP at patuloy na nag-aral sa Estados Unidos. Namatay siya sa isang aksidente noong 22 Mayo 1991 sa Lungsod Quezon.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula: Lino O Brocka "