Hari ng Pelikulang Pilipino: Ronald Allan Poe (20 Agosto 1939-14 Disyembre 2004)


Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula si Ronald Allan K. Poe (Ro·nald á·lan Key Po) noong 2006. Isa siyang premyadong actor, direktor, prodyuser, manunulat, at isa sa mga itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Filipino. Higit siyang kilala sa pangalang Fernando Poe Jr. o FPJ bilang aktor at Ronwaldo Reyes bilang direktor. Binansagan din siyang “Hari ng Pelikulang Filipino.”


Bilang direktor, itinampok ni FPJ sa kaniyang mga pelikula ang kuwento ng mga karaniwang tao, ang kanilang buhay at pangarap, ang kanilang kaapihan, pakikibaka at katubusan. Bilang aktor, kinatawan naman niya ang maliliit na tao, simple, mahinahon, mapagkumbaba, matulungin sa kapuwa, may pananampalataya, nagtitiis ng pagkaapi ngunit lumalaban at nagiging bayani kapag umabot na sa sukdulan ang kawalang katarungan at paglapastangan sa sarili, kapuwa, at bayan. Makikita ito sa mga pelikulang Apollo Robles (1961), Batang Maynila (1962), Mga Alabok sa Lupa (1967), Batang Matador at Batang Estibador (1969), Ako ang Katarungan (1974), Tatak ng Alipin (1975), Totoy Bato (1977), Asedillo (1981), Partida (1985), Ang Probinsyano (1996) at Ang Pagbabalik ng Probinsyano (1998).


Bilang direktor na si Ronwaldo Reyes, nakapagdirihe siya ng siyam na pelikula, kabilang ang Alupihang Dagat (1975), King (1978), Tatak ng Tundo (1978), Ang Padrino (1984), Ang Panday (1981), Ang Pagbabalik ng Panday (1982), Ang Panday, Ikatlong Yugto (1983), at Ang Panday IV, Ikaapat na Aklat (1984).


Nagtamo si FPJ ng mga karangalan bilang pinakamahusay na aktor sa FAMAS para sa mga pelikulang Mga Alikabok sa Lupa (1967), Asedillo (1971), Durugin si Totoy Bato (1979), Umpisahan Mo, Tatapusin Ko (1983), at Muslim Magnum .347 (1986). Dahil sa limang parangal na ito, iniluklok siya sa FAMAS Hall of Fame.