Gawad Pambansang Alagad ng Sining
Isa itong pinakamataas na pagkilala sa mga natatanging ambag sa sayaw, musika, teatro, sining biswal, literatura, pelikula, sining brodkast, arkitektura, disenyo, at iba pang kaugnay na sining.
Ang sining at panitikan ay makabuluhang bukal ng pag-unlad ng kultura at pagkabansa. Ang gawad ay isang tugon sa tungkulin na hikayatin at linangin ang mga pagsisikap para dito.
Itinatag sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1001 na may petsang 27 Abril 1972, ang kategoryang Pambansang Alagad ng Sining ay “pambansang pagpapahayag ng utang-na-loob at pagkilala.”
Idineklarang isang Ordeng Pangkultura ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 236 na may petsang 19 Setyembre 2003, “pang-apat sa banghay ng mga orden at dekorasyong bumubuo sa mga Karangalan sa Pilipinas, at kapantay ng Orden ng mga Pambansang Siyentista, Orden ng mga Pambansang Alagad ng Agham Panlipunan at Gawad Manlilikha ng Bayan.”
Ang Pambansang Komisyon Para sa Kultura at mga Sining (NCCA) at Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang naatasang tagapangasiwa sa gawad at sa Orden. Sang-ayon sa batas ay opisyal na idedeklara ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas ang nahirang na Pambansang Alagad ng Sining.
Ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay ipinagkakaloob sa:
- Nabubuhay na mga alagad ng sining na may sampung taon nang mamamayang Filipino bago ang nominasyon pati na yaong yumao makaraang maitatag ang gawad noong 1972 ngunit mga mamamayang Filipino sa panahon ng kanilang pagpanaw;
- Mga alagad ng sining na nakapag-ambag sa pamamagitan ng nilalaman at anyo ng kanilang mga obra, sa pagbubuo ng kamalayang makabansa ng mga Filipino;
- Mga alagad ng sining na nagpapakilala sa isang anyo ng malikhaing pagpapahayag o estilo na naging natatangi at naging impluho sa mga susunod na henerasyon ng mga alagad ng sining;
- Mga alagad ng sining na nakalikha ng kainaman at makabuluhang katipunan ng mga obra at/o palagiang nagpapakita ng kahusayan sa paglikha ng anyong-sining na nagpayaman sa artistikong pagpapahayag at estilo; at
- Mga alagad ng sining na may malawak na pagtanggap sa pamamagitan ng: (a) bukod tanging pagkilalang pambansa at/o pandaigdigan; (b) mapanuring pagtanggap at/o rebyu ng kanilang mga obra; (c) paggalang at pagtingin ng mga kasamahan.
Kabilang sa mga pribilehiyo na ipinagkakaloob sa mga nagawaran ay ang ranggo at titulo ng Pambansang Alagad ng Sining, ang medalyon at pagkilala, panghabambuhay na mga kaloob na materyal, pinansiyal, at iba pang mga benepisyong pangkalusugan, na katumbas ng tinatanggap ng pinakamataas na pinuno ng bansa, luklukang pandangal ayon sa ayos ng protokol sa mga pambansang pagtitipon ng estado, pagkilala sa mga gawaing kultural, at libing na pang-estado.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gawad Pambansang Alagad ng Sining "