Abdulmari Asia Imao
Ang pagiging bihasa ni Imao sa sining ng ukkil o okir (masinsing disenyo ng pakurbang elemento na maaring tumutukoy sa alon, halaman o baging sa Maranaw na ang ibig sabihin ay “umikit”) ang nagsilbing puhunan ng noo’y sumisibol pa lamang na manlilikha. Ang ukkil, sarimanok (mitikong ibon-isda), sari-mosque (halong sarimanok at mga mosque) at sari okir na kaniyang isinakontemporaneo ang sa kalauna’y naging pangunahing paksa ng mga eskultura at pintura ni Imao.
Unang solong eksibit niya ay sa Contemporary Art Gallery sa Mabini noong 1960.
Noong 1971, isa siya sa kumatawan sa Filipinas sa Seventh Paris Art Biennale sa France. Kabilang sa mga likha niya ang monumento ni Lapulapu sa Luneta at ni Pangulong Elpidio Quirino sa Roxas Boulevard; “Antonio Figafetta Monument” (12 piye) sa Fort San Pedro Cebu City; “Sulu Warriors” (6 piyeng estatwa ni Panglima Unaid, isang lokal na bayani ng Sulu at Kapitan Abdurahim Imao) sa Sulu Provincial Capitol; Amai Pakpak (8.5 piye), “Hero of Marawi” sa Lanao Del Sur; “Sultan Kudarat’s Battle at Tantawan, Cotabato,” brass mural sa PICC; “Sarimanok,” logo ng 1974 Miss Universe; mga pinturang sarimanok Central Bank of the Philippines Museum; Allah Islamic Calligraphy sa Vargas Museum.
Noong 1968, itinanghal siyang isa sa Ten Oustanding Young Men (TOYM). Pinagkalooban siya ng Art Association of the Philippines ng gintong medalya para sa eskultura noong 1980. Pinagkalooban din siya ng Gawad CCP para sa Sining noong 1990 at Presidential Merit Award noong 2005.
Isinilang siya noong 14 Enero 1936 sa Tulay, Jolo, Sulu kina Jamasali Alih at Asia Juraiya Imao. Ginamit ng pamilya niya ang Imao bilang apelyido sa payo na rin ng isang Imam.
Nagtapos siya ng digri sa Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1959. Sa pamamagitan ng mga iskolarsyip, nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral sa University of Kansas noong 1962 at sa Rhode Island School of Design, USA.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Abdulmari Asia Imao "