Sarimanok
May makulay na mga pakpak, balahibo at mahabang buntot ang sarimanok, at nasa mga tuka o kuko ang kagat o saklot na pigura ng isang isda. Madalas na idisenyo bilang pigura sa maadornong okir, sinasabing simbolo ng suwerte ang sarimanok.
Pinaniniwalaang nagmula ito sa maalamat na ibong Maranaw na tinatawag na itotoro.
Ang ibon ay tagapamagitan sa daigdig ng mga espiritu. May paniwala ding nagmula ang sarimanok sa Islamikong alamat. Nakita diumano ni Muhammad ang isang manok sa unang antas ng pitong saray na langit. Napakalaki nito kaya umaabot ang palong sa ikalawang saray ng langit.
Ginigising ng tilaok nito ang lahat ng nilalang maliban sa tao. Araw na ng paghuhukom kapag hindi na ito tumilaok. Ayon sa isa pang alamat, dinagit ng tandang na isa palang makisig na binata ang anak na babae ng datu at hindi na nakita pang muli. Upang hindi malimutan ang kaniyang mahal na anak, nagpagawa siya ng mga replika ng ibon na tinawag na sarimanok.
Ayon sa kaugalian, hindi itinatanghal nang mag-isa ang sarimanok. Dapat na lagi itong kasama ng mga bandera at iba pang simbolo ng kapangyarihan. Ngunit hindi na ito mahigpit na nasusunod dahil madalas makita ang sarimanok na waring isang ordinaryong kasangkapan sa bahay.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sarimanok "