Ano ang okir?


Salitang Maranaw ang okir (may varyant na okkir) para sa ukit at tinatawag ding ukkil ng mga Tausug. Tinutukoy nito ang makurba at malantik na mga disenyo sa paglilok ng kahoy, na binabarnisan o pinipintahan sa sari-saring kulay. Nililikha din ang naturang disenyo sa tanso.


Pangunahing mga disenyo ng okir ang anyo ng sarimanok, naga, at pako rabong. Ang sarimanok ay estilisadong anyo ng isang ibon na may imahen ng isda sa tuka.


Ang naga ay estilisadong anyo ng mitikong ahas o dragon. Ang pako rabong ay tila abstraksiyon ng sumisibol na pako. Ang mga naturang disenyo ay iniuukit sa panolong, ang nakaungos na tahilan ng sahig ng torogan, gayundin sa iba pang panloob na tahilan at poste. Ang naturang disenyo ng okir ay ginagamit din sa paghabi ng tela, sa mga inukit na pantanda sa puntod, mga kahoy at tansong kahon, at sa puluhan ng mga patalim.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: