Ano ang almugan?


Ang almugan ay isang mahiwagang ibon na nakapagsasalita. Katumbas ito ng limokon ng mga Mangyan na naniniwalang nagmula sa itlog nito ang sinaunang tao sa mundo.


Para sa mga Bilaan, isang pangkating etniko na matatagpuan sa Davao del Sur, itinatakda ng almugan ang lupang pagtataniman. Nagdadala ang isang lalaking Bilaan ng apat na kawayang may 60 sentimetro ang haba sa gubat at hinihintay ang tunog ng almugan na nagsasabi kung mabuting pagtamnan ang lugar o hindi.


Maaaring magtagal ang paghihintay, subalit sa sandaling lumikha ng tunog ang almugan, ihihilera ng lalaki ang kawayan sa lupa nang nakaturo ang direksiyon nito sa pinagmumulan ng tunog. Kapag matuwid ang pagkakatindig ng mga kawayan, magiging mabuti ang ani sa lupang iyon; kapag yumuyuko ang mga ito, kailangan niyang maghanap ng ibang lugar na mapagtataniman.


Nag-aalaga rin umano ang mga Bilaan ng almugan na inilalagay nila sa isang kulungang isinasabit malapit sa bintana. Ito ang nagbibigay ng babala kapag may parating na kaaway o hindi kakilala. Kapag lumikha ito ng ingay nang tatlong beses, babala umano iyon laban sa binabalak na paglalakbay. Kapag lumilikha naman ng ingay ang almugan sa gabi, may masama umanong nakapaligid sa tahanan.


Sa pagdiriwang sa Pistang Kalilangan ng mga Bilaang nakatira sa Lungsod General Santos, itinatampok ang tunog ng almugan sa pamamagitan ng sayawan at musika kasabay ng mga pag-aalay para sa pagtataboy ng salot sa mga pananim.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: