On
Ang garuda ay isang mitikong dambuhalang ibon na kumakain ng tao sang-ayon sa kuwentong-bayan ng mga Maranaw.


Sa kuwentong “Ang Dakilang Tataro,” dinagit ang tataro o higad, ng garuda at nang malapit na itong kainin ng hulí, umawit ang tataro nang napakaganda kayâ’t pinakawalan ng garuda.


Maaaring nag-ugat ang garuda sa mitolohiyang Hindu, na tumutukoy rin sa garuda bilang mitikong ibon o mala-ibong nilalang. Ito umano ang sinasakyan ni Vishnu, ang pinakadakilang diyos ng Hinduismo.


Nagmula ang garuda sa salitang Sanskrit na nangangahulugang agila. Maaaring ito rin ang pinagmulan ng salitang Kapampangan para sa agila na galura.


Sa epikong-bayan Bidasari na nagmula sa Mindanao at hinango umano sa isang romansang Malay, ang kaharian ng Kembayat ay nililigalig ng garuda bilang dambuhalang ibon na mapaminsala sa mga pananim at maging sa buhay ng mga tao.


Ang pagtatakbuhan ng mga tao sa tuwing dumarating ang garuda ang pagsisimulan ng kuwento ni Bidasari na isinilang ng sultana sa tabi ng isang ilog subalit naiwan doon dahil sa takot at pagkalitong dulot ng garuda.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: