Abunnawas
Si Abunnawas ang popular na pilyong tauhan sa mga katakata, kuwentong bayan ng mga Tausug at Samal. Hindi tulad ng ibang uri ng panitikang oral ng mga Tausug at Samal, isinasalaysay lamang ang mga katakata at hindi inaawit. Isinasalaysay rin ang mga ito bilang pampalipas-oras.
Sa lahat ng mga kuwento ni Abunnawas, lagi niyang naiisahan ang sultan sa mga pagsubok at pagtatangkang gawing katatawanan si Abunnawas.
Isang kuwento ni Abunnawas ay pinamagatang Lumakad si Abunnawas sa Ibabaw ng Kawayan. Sa nasabing kuwento, nang napadaan si Abunnawas sa kaharian ng sultan, kaniyang ibinida na nakapaglakad siyá sa ibabaw ng kawayan. Hindi naniwala ang sultan kayâ hinamon niyá si Abunnawas na maglakad sa ibabaw ng kawayan mula sa bahay nitó hanggang sa kaharian. Kapag nagawa ito ni Abunnawas, bibigyan siyá ng salapi ng sultan ngunit kapag hindi niyá natugunan ang hamon ng sultan ay kamatayan ang parusa.
Kaagad na umuwi si Abunnawas at naghanda ng tayakád, mga piraso ng kawayan na itinali nang mahigpit sa isa’t isa at may nakausling bahagi ng kawayan upang may mahawakan ang pilyong tauhan. Sunod, nagtungo siyá sa kaharian at nang matapat na sa bintana na tanaw ng sultan, kaniya itong tinawag upang tingnan siyá. Nagulat ang sultan at hinangaan na lamang ang katalinuhan ni Abunnawas.
Kawangis ng pag-uugali ni Abunnawas ang iba pang popular na tauhan sa iba’t ibang kuwentong-bayan, gaya ni Juan Púsong ng mga Bisaya at Juan Usong ng mga Bikol. Ngunit, ayon sa mga iskolar ng panitikan ng Tausug, taliwas sa kaugalian ng pangkat-etniko na maging masunurin ang asal ni Abunnawas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Abunnawas "