Sino si Angalo?


Si Angalo (kung minsan, Angngalo) ang lumikha sa tao sa mitolohiyang Iloko. Bukod kay Lam-ang at Kannoyan, lalaki at babaeng bida ng epikong-bayan ng mga Iloko, sina Angalo at Aran na marahil ang mga tanyag na tauhan sa mga Ilokanong kuwentong-bayan.


Maraming bersiyon ng kuwento ni Angalo, at iba-iba ang kaniyang ginagampanan, bilang dakilang manlilikha, bilang anak ng isa pang bathala, o bilang isang mangingisda na hinahanap ang kaniyang nawawalang irog.


Sa isang mito, sina Angalo at Aran ay mga higanteng may anyong tao. Sa laki ni Angalo, abot-langit ang kaniyang ulo, daan-daang milya ang saklaw ng bawat hakbang, at naririnig sa lahat ng sulok ng mundo ang kaniyang boses at halakhak.


Patag dati ang buong daigdig, at kinalkal niya ang lupa upang bumuo ng mga bundok at lambak, at inihian ang mga hukay upang maging mga dagat at lawa. Mula sa kaniyang dura nagmula ang unang lalaki at babae.


Sa ibang kuwento, may tatlong anak na babae sina Angalo at Aran na hindi nila kasinlaki. Nabuo naman daw ang kapuluang Bisayas nang nagtalo ang dalawa sa mga nakalap nilang perlas; nagkabitakbitak ang lupain at lumubog ang ilang bahagi sa lakas ng kanilang mga dagundong. Sinasabi ding nanahan sila malalaking yungib ng hilagang Luzon, tulad ng sa Abra, Ilocos, at Cagayan.


Sa isang salaysay, si Angalo ay isang mortal na tao na naging mangingisda sa pag-asang makikita ang irog na nilisan siya. Nadesgrasya ang barkong sinasakyan niya at napadpad siya sa pampang ng Ilocos.


Tinulungan niya ang mga Ilokano sa pangingisda at pinuksa ang isang halimaw-dagat na kumikitil ng maraming taumbayan taon-taon. Hindi niya malimot ang kaniyang nawawalang irog, at inukit niya ang malaking imahen ng babae sa dalisdis ng isang bundok. Tuwing pauwi siya mula sa pangingisda, sinasalubong siya ng tanawing ito.


Sa kasalukuyan, matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos, Cagayan, at Pangasinan ang ang malalaking tipak ng bato na tinatawag na mga ”tugot” (yapak) ni Angalo.


Isang halimbawa nito ay makikita sa bayan ng Sudipen sa La Union, sa Ilog Amburayan. Magpahanggang-ngayon, may naniniwala pa rin na gumagala ang espiritu nina Angalo at Aran, at maaari silang magpalit ng anyo ng tao, hayop, o kahit bagay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: