Ilog Amburayan
Dumadaloy ito mula sa kabundukan ng lalawigan ng Benguet pababa ng rehiyong Ilocos bago bumuhos sa Dagat Kanlurang Filipinas (Dagat Timog Tsina) sa gitna ng mga bayan ng Tagudin sa Ilocos Sur at Bangar sa La Union.
Ang maalamat na ilog ang isa sa mga lunan ng epikong-bayang Ilokano na Biag ni Lam-ang. Ito ang ilog na pinagliguan ni Lam-ang, at ang naipong libag at dumi sa kaniyang katawan ay kumitil sa mga isda at iba pang lamantubig.
Matatagpuan din sa iba’t ibang bahagi ng ilog, tulad sa bayan ng Sudipen sa La Union, ang malalaking tipak ng bato na tinatawag na mga ”tugot” (yapak) ni Angalo, ang higante at dakilang lumikha sa alamat ng mga Iloko.
Matatagpuan din sa Ilog Amburayan sa Sudipen ang Dikeng Intake na itinayo ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Noong panahon ng kolonyalismong Espanyol, ipinangalan sa ilog ang sub-province (Commandancia Politico-Militar) ng Amburayan na binubuo ng mga bayan ng Alilem, Angaki (ngayon ay Quirino), Lepanto, San Gabriel, Santol, Sugpon, Suyo, at Tagudin, ang kabisera.
Sa kasalukuyan, pinagmumulan ang ilog ng irigasyon para sa mga palayan at kabuhayan ng mga Ilokanong mangingisda. Pinahahalagahan ang ilog ng mga pangkating katutubo sa Benguet, tulad sa bayan ng Kapangan, bilang bahagi ng kanilang kultura, at bilang pinagmumulan ng kabuhayan (pangingisda, pangangalap ng ginto).
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ilog Amburayan "