Ang Ilog Abra ang isa sa pinakamalaking sistemang ilog sa Pilipinas.


Ang ilog at mga sangay nito ay matatagpuan sa mga rehiyong Cordillera at Ilocos at dumadaloy sa mga lalawigan ng Abra, Benguet, at Ilocos Sur.


Nagsisimula ito sa Bundok Data sa kabundukan ng Cordillera at umaagos pahilagang-kanluran tungo sa bayan ng Cervantes sa Ilocos Sur bago tumuloy sa mabababang bahagi ng Abra.


Sumasanib sa ilog ang sangay nitóng Ilog Tineg, na nagmumula sa mga mataas na bahagi ng Abra. Dumaraan muli ito sa Ilocos Sur bago bumuhos sa Dagat Timog Tsina (Dagat Kanlurang Filipinas) sa Lungsod Vigan.


Ang Ilog Abra ay may habang 178 km at may river basin na 5,125 kilometro kuwadrado. Iilan lamang ang mga tulay na tumatawid sa ilog, kung kaya’t nakasalalay pa rin ang transportasyon sa mga barko, tulad ng mga motorized ferry sa Bangued, kabisera ng Abra.


Noong nakaraang panahon, ang ilog ang nagsilbing daan papasok at palabas ng lalawigan, at ito ang ginagamit na ruta ng mga mangangalakal mula sa Vigan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: