Igat
Matatagpuan sa tropiko at malamig na tubig, makikita ito sa Asia mula Japan hanggang silangang dagat ng Tsina, Taiwan, Korea, at hilagang bahagi ng Pilipinas.
Ang hugis ng katawan nito ay tulad ng ahas at may nakabaong maliliit na kaliskis. Buo ang palikpik sa pektoral ngunit walang palipik sa pelbik. Ang palipik sa likod at buntot ay karugtong ng palikpik sa puwit.
Ang bata at tigulang na igat ay naglalagi sa tubig tabang at bumabalik sa dagat upang mangitlog at pagkatapos ay mamatay.
Ang karaniwang espesye ng igat ay ang Anguilla japonica. Ang katawan ay pahaba, pabilog ang uluhan at pikpik papunta sa buntot. Malaman at makinis. Ang gilid ng bibig ay umaabot sa may mata. Ang ibabang panga ay mas mahaba kaysa itaas. Ang labì ay may tiklop at ang nguso ay pikpik at mataba. Ang haba ng ulo ay 11.2-11.9 porsiyento ng habà ng katawan. At ang haba ng palikpik sa pektoral ay 2.2-3.7 porsiyento ng habà ng ulo. Maliliit ang mga ngipin na hugis apa.
Ang kaliskis na bumabalot sa katawan ay nakaayos sa maliliit na grupo at nakatagilid ang posisyon. Pangkaraniwan ang kulay, hindi marmol o batik-batik. May 114 hanggang 117 na bertebra. Ang lugar na pinangingitlugan nito ay sa dagat. Ang mga batàng igat ay magkakasámang lumalangoy patungong ilog upang doon lumaki. Ito ay gumagapang sa lupa tuwing gabi. Kumakain ng krustaseo, insekto at isda. Ang pinakamalaking naitala ay 100.8 sentimetro na may bigat na 1.889 kilo.
Lahat ng espesye ng ígat ay importanteng pagkain. Ibinebenta ng sariwa, pinausukan o de-lata. Ito ay inaalagan at pinapalaki sa bansang Japan, Taiwan, Tsina, at Korea. Mataas ang produksiyon ng igat sa Tsina at malaking porsiyento nitó ay ibinebenta nang buhay o bilang kabayaki sa Japan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Igat "