Ang pagtatatag ng isang simbahang Filipino at hiwalay sa kapangyarihan ng Papa sa Roma ay isa sa bunga ng Himagsikang Filipino at bisa ng naunang kampanya para sa sekularisasyon sa panahon ni Padre Jose Burgos.


Sa Cavite pa lamang ay hinirang ni Heneral Emilio Aguinaldo si Padre Gregorio Aglipay bilang pinuno ng kapariang Filipino sa kabila ng pagtutol ng noo’y Arsobispo Bernardino Nozaleda ng Simbahang Katoliko.


Noong 23 Oktubre 1899 nagpatawag ng kumbensiyon ng mga pari si Aglipay upang organisahin sila bilang pambansang simbahan ng Pilipinas. Hindi ito nagtagal dahil sa pagkatalo ng hukbong rebolusyonaryo sa Digmaang Filipino-Amerikano. Gayunman, ipinagpatuloy ni Aglipay ang kampanya sa kabila ng kawalan ng taguyod kahit mula sa mga Amerikano.


Ipinanganak ang Iglesia Filipina Independiente (Ig·lés·ya Fi·li·pí·na In·de·pen·di·yén·te) sa isang pulong sa Maynila noong 3 Agosto 1901 na ipinatawag ng peryodista’t unyonistang si Isabelo delos Reyes.


Naganap ang paghiwalay sa Roma at si Aglipay ang nahalal na Obispo Supremo. Kaya tinatawag din itong Simbahang Aglipay.


Noong Setyembre 1902 nagsimulang manungkulan ang mga paring Filipino ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) at noong 18 Enero 1903 opisyal na kinilala si Aglipay bilang Obispo Supremo ng mga natalagang Obispo sa Maynila, Nueva Ecija, Cavite, Cagayan, Isabela, Pangasinan, at Abra. Halos katulad ng Katoliko Romano ang organisasyon ng IFI ngunit hindi kumikilala sa awtoridad ng Papa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: