Padre Jose Burgos

Si Jose Burgos (Ho·sé Búr·gos) ay lider ng kilusang sekularisasyon, iskolar, manunulat, at isa sa tatlong paring martir (tinaguriang “Gomburza”) na binitay ng mga Espanyol kaugnay ng Pag-aalsa sa Cavite noong 1872.


Ipinanganak siya noong 9 Pebrero 1837 sa Vigan, Ilocos Sur kina Jose Tiburcio Burgos, isang Espanyol na opisyal, at Florencia Garcia, isang Filipina.


Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at Unibersidad ng Santo Tomas, at nagpakadalubhasa sa pilosopiya at batas ng simbahan. Ang kaniyang dunong at galing ang naging dahilan ng mabilis niyang pag-akyat sa organisasyon ng Simbahang Katoliko.


Nasaksihan niya ang pagwawalang-bahala ng mga pari at pagtangkilik ng mga ito sa pang-aapi ng mga Espanyol kaya sa isang bukas na liham na isinulat niya noong 1871 ay binatikos niya ang labis na kapangyarihan ng simbahan at humingi ng reporma para sa mga Filipino.


Isa sa mga sinasabing akda niyang hindi nalimbag ay ang Mi Obrita Novela Historica La Loba Negra (1871) na inihandog niya sa lahat ng inang Filipino. Dahil sa kaniyang mga pagtatanggol sa karapatan ng mga paring sekular (ang mga Filipino) ay marami siyang naging tagahanga bagaman kinainisan sa kabilang dako ng mga paring regular (ang mga fraile). Naging kampeon siya ng kilusan para sa sekularisasyon.


Dumating ang pagkakataon ng mga fraile nang maganap ang Pag-aalsa sa Cavite noong 20 Enero 1872. Isinangkot at ipinahuli ang maraming mayaman at edukado. Marami sa kanila ang ipinatapon sa Guam, Marianas, at ibang pook. Isa si Burgos sa isinangkot, at kasama ang mga paring Mariano Gomes at Jacinto Zamora ay mabilisang nilitis at hinatulan ng bitay sa pamamagitan ng garote. Binitay sila sa Luneta noong 17 Pebrero 1872.


Si Burgos ay malapit na kaibigan ni Paciano Rizal, kuya ni Jose Rizal. Lubhang nakaapekto kay Rizal ang pagbitay kina Burgos at nagsilbing isa sa mga inspirasyon ng pagkakasulat ng El filibusterismo. Ilang bayan ang ipinangalan kay Burgos, at ilan dito ay matatagpuan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, La Union, Pangasinan, Quezon, Southern Leyte, at Surigao del Norte.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: