Sino si Pedro Almazan?
On Personalidad
Si Pedro Almazan ang pinuno ng unang pag-aalsa sa Ilocos laban sa mga Espanyol.
Isa siyang mayamang mamamayan sa San Nicolas, Ilocos Norte ngunit poot sa pang-aapi ng mga Espanyol kaya nag-isip ng pag-aalsa.
Una niyang kasama sa planong pag-aalsa si Juan Magsanop, isang lider sa Bangui, at nagkasundo silang ipakasal ang mga anak upang tumibay ang kanilang pagkakaisa.
Naging magandang pagkakataon ang pag-aalsa ni Andres Malong sa Pangasinan na ipinroklamang hari noong Disyembre 1660.
Dahil natutok ang pansin ng militar kay Malong, hinimok nina Almazan ang mga tao para maghimagsik na rin.
Pumayag si Gaspar Cristobal ng Laoag at pati ang mga pinuno ng Kalinga at Isneg hanggang Cagayan.
Noong 31 Enero 1661, pinasok ng mga rebelde ang simbahan ng Claveria, binihag ang Dominikong si Fray Jose Santa Maria, at pinugutan.
Kinabukasan, nlusob naman ng mga rebelde ang Narvacan, nabihag ang Agustinong si Fray Jose Arias at pinugutan din.
Ipinadala ang ulo ni Arias kay Magsanop, na dinala naman ito kay Almazan. Nagtipon ang mga pangkat ng rebelde at ipiniroklama si Almazan na Hari ng Ilocos. Isang korona, na nakuha sa isang estatwa sa simbahan, ang ipinutong kay Almazan.
Pagdating ng Pebrero, nagpadala ng hukbo ang pamahalaang Espanyol sa pamumunò ni Lorenzo Alqueros. Binuo ito ng ilang Espanyol at mahigit sanlibong katutubong sundalo.
Hinihintay noon nina Almazan ang malaking pangkat ng mga tagapagtaguyod mulang Ilocos Sur. Subalit mabilis na sumalakay si Arqueros at napilitang tumakbo sa gubat ang nabiglang hukbo ni Almazan.
Sa tulong ng mga kolaboreytor na Ilokano, natunton si Magsanop at nagpakamatay ito bago mabihag. Ipinagpatuloy ni Almazan ang pakikibáka. Nang masusukol na, sinabing sumakay siya sa kabayo at lumusob sa mga kaaway. Nabihag siya at binitay sa plasa ng bayan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sino si Pedro Almazan? "