Si Maria Josefa Gabriela Cariño Silang (ma·rí·ya ho·sé·fa gab·ri·yé·la ka·rí·nyo sí·lang)
(19 Marso 1731-20 Setyembre 1763) ang unang Filipinang namuno ng isang paghihimagsik noong
panahon ng pananakop ng mga Espanyol.


Siya ang asawa ni Diego Silang at nagpatuloy ng pag-aalsa ng mga Ilokano nang mamatay ang
asawa.


Ipinanganak siya noong 19 Marso 1731 sa Santa, Ilocos Sur. Sinasabing inampon siya ni
Padre Tomas Millan, vicar general ng lalawigan, na pinakasalan siya noong siya ay 20 taong
gulang.


Maaga siyang nabiyuda sa unang asawa at napangasawa niya si Diego noong 1757. Walang ulat
kung nagkaroon sila ng anak. Si Diego ang naging pinuno ng pag-aalsa sa Ilocos laban sa mga
Espanyol mula 1762 hanggang 1764.


Nang sakupin ng mga Ingles ang Maynila noong 1762, nakita niya ang pagkakataon upang
makapag-alsa ang mga Ilokano laban sa mga Espanyol. Agad dumami ang mga kababayang sumapi
sa kaniya dahil sa pagtutol sa malaking buwis at sapilitang paggawang ipinataw ng mga Espanyol.


Nahati ang puwersa ng mga Espanyol sa pakikipaglaban sa mga Ingles sa Maynila at sa pangkat
ni Silang sa Ilocos.


Si Gabriela ang naging isa sa pinakamalapit na tagapayo ni Diego, at madalas ay kasama nito sa mga laban. Naagaw nina Diego ang mga bayan sa hilagang bahagi ng Ilocos Sur at nagpahayag siya ng paglaya ng mga mamamayan sa pagsasamantala ng pamahalaang Espanyol.


Gayunman, isang kaibigan ni Diego, si Miguel Vicos, ang nahimok ng mga Espanyol na magtaksil. Sa pamamagitan ni Vicos ay napatay si Diego noong 1763.


Ipinangako ni Gabriela sa asawa bago ito mamatay na pamumunuan ang nasimulang pag-aalsa. Nagpakita siya ng gilas bilang pinuno at marami siyang nakamit na tagumpay sa mga labanan sa Santa at Vigan sa Ilocos Sur.


Ngunit sa dami ng kaaway, natalo ang kaniyang pangkat sa kalaunan. Nadakip siya sa Abra at binitay sa Vigan noong 29 Setyembre 1763.


Nagsilbing inspirasyon si Gabriela Silang sa isang samahang nagtataguyod ng karapatan ng mga kababaihan, ang GABRIELA (General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership, and Action). Matatagpuan din sa sentrong distritong pangkalakaran ng Lungsod ng Makati ang isang monumento ni Gabriela Silang.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Kahalintulad na Artikulo: