Karapatan
Alinsunod sa mga batas ng Pilipinas, may dalawang uri ito: ang karapatang sibil at ang karapatang politikal.
Sa kabuuan, nagbibigay ito ng mga pagkakataon sa isang mamamayan na makilahok sa sibil at politikal na aspekto ng isang lipunan nang walang diskriminasyon o panunupil.
Ito rin ang nagsisilbing proteksiyon sa mga indibidwal o grupo ng indibiduwal laban sa panghihimasok ng pamahalaan, pribadong organisasyon, at mga katulad.
Binubuo ng mga karapatang sibil at politikal ang unang bahagi ng 1948 Universal Declaration of Human Rights (Pandaigdigang Deklarasyon hinggil sa mga Karapatang Pantao) habang ang karapatang ekonomiko, sosyal, at kultural naman ang nasa ikalawang bahagi.
Noong 1976 ipinatupad ang International Covenant on Civil and Political Rights, isang kasunduang multilateral na nagbubuklod sa mga kasaping bansa na manindigan at kilalanin ang mga karapatang sibil at politikal.
Ang karapatang sibil ay mga demokratikong karapatan at kalayaan ng mamamamayan. Nabibilang sa karapatang ito ang pagtitiyak sa pisikal at mental na integridad, buhay, at kaligtasan ng isang tao; proteksiyon laban sa diskriminasyong nakabatay sa pisikal o mental na kakulangan, kasarian, relihiyon, lahi, edad, kasarian, at iba pa; karapatan sa pagiging pribado; karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, pananalita, relihiyon, pagtitipon, at iba pa.
Ang karapatang politikal ay mga karapatan ng mga mamamayan na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang lumahok, direkta o hindi direkta, sa pagtatatag o pangangasiwa ng gobyerno.
Ang ilan sa mga karapatang politikal ay karapatan sa pagkamamamayan, karapatang bumoto, karapatan sa pagtitipon, karapatang ipagtanggol ang sarili, at karapatan sa isang makatarungang paglilitis.
Inilatag ng Batas Tydings-McDuffie at Batas Jones ang paglalagay ng Bill of Rights sa 1935 Konstitusyon.
Malaking bahagi ng batas hinggil sa karapatan ang hango sa Konstitusyon ng Estados Unidos. Ang Artikulo III Bill of Rights ng 1987 Konstitusyon ng Filipinas ang nagsasaad ng mga karapatang sibil at politikal ng isang Filipino.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Karapatan "