Tinagurian si Emilio Jacinto na “utak ng katipunan” dahil sa mga sinulat niya para sa Katipunan, kabilang na ang “Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B.” at higit na kilalang Kartilya ng Katipunan.


May ganito ring akda si Andres Bonifacio, ang “Katungkulang gagawing ng mga Z.I.I.B.” ngunit ipinasiya ng Supremo na ang hinahangaan niyang sinulat ni Jacinto ang opisyal na ikabit sa dokumento ng panunumpa ng sinumang sasapi sa lihim na kilusan.


Gayunman, higit na popular at hinahangaan ang estilo ng pagsulat at matalinghagang nilalaman ng Liwanag at Dilim, isang koleksiyon ng mga sanaysay na tumatalakay sa mga diwang demokratiko’t kontra-kolonyalista, at nagtatanghal sa pilosopiko’t moral na sandigan ng isang rebolusyonaryong kapisanan.


Si Jacinto and editor ng Kalayaan, ang diyaryo ng Katipunan, at sa pamamagitan lamang ng unang labas ay umakit ng libo-libong kasapi. Ginamit niyang alyas sa kilusan ang “Pingkian”.


Sa Kalayaan, ginamit din niyang sagisag-panulat ang “Dimasilaw.” Sa mga sagisag lamang ay mahihiwatigan ang pambihirang hilig ni Jacinto sa liwanag, kung baga sa pagdudulot ng totoong liwanag sa kapuwa, at sa pagsalungat sa huwad at magdarayang “liwanag.”


Napakataas ng paggalang ni Bonifacio at ng ibang pundador ng Katipunan kay Jacinto, kaya kahit napakabata, 20 anyos lamang siya ng sumapi, ay nahalal siyang kalihim ng kataas-taasang sanggunian. Hinirang din siyang tagapayo ni Bonifacio at itinuring na bunsong kapatid.


Sa isang sagupaan sa Balara (nasa lungsod Quezon ngayon), ginamit na kalasag ni Bonifacio ang sarili upang hindi tamaan ng punglo si Jacinto. Nadaplisan sa leeg ang Supremo.


Isinilang sa Tondo, Maynila si Jacinto at anak nina Mariano Jacinto at Josefa Dizon. Namatay ang kaniyang ama noong sanggol pa siya kaya ipinaampon siya ng ina sa nakakariwasang kapatid na si Don Jose Dizon.


Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at lumipat sa Unibersidad de Santo Tomas upang kumuha ng abogasya. Hindi niya natapos ang kurso dahil sa tawag ng pag-ibig sa bayan. Pinigilan siya diumano ng ina, ngunit matatag niyang isinagot na “Kailangan ng ating bayan ang mga kabataang tulad ko, ina. Alam kong ipagmamalaki ako ni ama kung nabubuhay siya ngayon.


Nang pataksil na patayin si Bonifacio sa Cavite, ipinagpatuloy ni Jacinto ang pakikibaka laban sa mga Espanyol ngunit hindi siya sumama sa hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Nasugatan siya sa isang labanan sa Laguna at nabihag. Ginamit niya ang talino upang makaligtas. Nagkataong hawak niya ang sedula ng isang espiya ng mga Espanyol at nagpanggap na siy ang espiya.


Nang makalaya, bumalik siya sa Maynila at duon nagpagaling. Ngunit hindi niya matanggihan ang anyaya ng mga Katipunero sa Laguna, kaya muli siyang lumabas sa larangan. Dinapuan siya ng malarya at namatay sa Majayjay, Laguna sa gulang na 24.


Si Emilio Jacinto ay isang huwaran ng mandirigmang intelektuwal para sa pambansang kalayaan.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: