Sino si Emilio Aguinaldo?


Si Emilio Famy Aguinaldo (E·míl·yo Fá·mi A·gi·nál·do) ang una’t huling pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas.


Ipinanganak si Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 26 Marso 1869 kina Carlos Aguinaldo at Trinidad Famy.


May kabuhayan ang pamilya niya, ngunit tumigil sa pag-aaral si Aguinaldo noong nasa ikatlong taon ng segunda enseñanza at tumulong sa negosyo ng mga magulang.


Noong 1895, nahalal siya ng Kawit na capitan municipal, ang binagong tawag sa gobernadorsilyo o puno ng bayan sa ilalim ng Batas Maura.


Ikinasal din siya kay Hilaria del Rosario. Nang mabalitaan ang Katipunan, nagpunta siya ng Maynila at nanumpang kasapi. Pagsiklab ng Himagsikang 1896, nakilala siya sa mga matagumpay na labanan sa Cavite. Nang magkaroon ng halalan sa Tejeros noong 22 Marso 1897, siya ang nahalal na pangulo ng binagong pamahalaang mapanghimagsik.


Inilipat niya ang himpilan ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biyak-na-bato,San Miguel de Mayumo, Bulacan. Doon din siya lumagda sa kasunduan, ang Kasunduang Biyak-na-bato noong 14-15 Disyembre 1897, na pansamantalang nagtigil sa himagsikan habang kusa siyang nadestiyero sa Hong Kong kasama ang iba pang lider rebolusyonaryo.


Pagkaraan ng ilang buwan, bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas, ipinahayag ang kasarinlan ng Pilipinas noong 12 Hunyo 1898 mula sa kaniyang tahanan sa Kawit, at sinimulan ang ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino.


Noong 23 Enero 1899, pormal na ipinahayag ang Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan. Halos kasunod nito ang pagsiklab din ng Digmaang Filipino-Amerikano noong Pebrero 1899 na nauwi sa pag-urong ng hukbong Filipino pa-Hilagang Luzon. Nadakip si Aguinadlo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 at tuluyang bumagsak ang Republikang Malolos.


Nabiyudo siya noong 1921 at pinakasalan si Hilaria Agoncillo noong 1930. Kumandidato siyang pangulo ng pamahalaang Komonwelt ngunit tinalo ni Manuel L. Quezon.


Namatay siya noong 6 Pebrero 1964 ngunit naabutan pa niyang ipinahayag ni Pangulong Diosdado P. Macapagal ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: