Biyak-na-Bato
Noong Hunyo,1897, nakarating sa Biyak-na-Bato ang hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo na umiiwas mula sa Cavite na magipit ng mga Espanyol. Nagandahan si Aguinaldo sa silbing pangmilitar ng pook at ipinasiyang ilipat dito ang kaniyang himpilan.
Noong Nobyembre 1, itinatag niya ang isang pamahalaang tinatawag ngayong Republikang Biyak-na-Bato batay sa isang konstitusyong binalangkas nina Isabelo Artacho at Felix Ferrer. Nakasaad sa saligang-batas ang patuloy na pagpapalaya sa Filipinas mula sa mga mananakop.
Hindi napasok ng hukbong Espanyol ang Biyak-na-Bato. Gayunman, noong Disyembre, isang kasunduan tungo sa pagtigil ng paglalaban ang naisulong sa pamamagitan ni Pedro Paterno. Pinirmahan ni Gobernador-Heneral Fernando Primo de Rivera ang kasunduan noong Disyembre 14 at ni Paterno bilang kinatawan ni Aguinaldo kinabukasan.
Noong Disyembre 20, pinagtibay ng kapulungang rebolusyonaryo sa Biyak-na-Bato ang papeles na tinatawag ngayong Kasunduang Biyak-na-Bato. Itinatakda dito ang pagbabayad ng pamahalaang Espanyol ng halagang 800,000 piso kapalit ng boluntaryong pagpapatapon kina Aguinaldo sa Hong Kong at pagsuko ng rebolusyon.
Binayaran ito sa tatlong bahagi: 400,000 para kay Aguinaldo matapos itong umalis sa Biyak na Bato patungo Hong Kong; 200,000 kapag naisuko na ang mga armas; at 200,000 matapos maisagawa ang Te Deum sa katedral ng Maynila at maiproklama ang pangkalahatang amnestiya.
Sa araw ng Pasko, ipinroklama ni Aguinaldo ang pagwawakas ng rebolusyon bago siya tumulak patungong Hong Kong. Sa kabila nito, nagpatuloy ang pakikipaglaban ng mga rebolusyonaryo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Biyak-na-Bato "