Ang Saligang-Batas ng Filipinas ang kataas-taasang batas ng bansa at batayan ng lahat ng batas at opisyal na kautusang maaaring pagtibayin ng Kongreso at Pangulo.


Kalipunan ito ng mga nasusulat na patakarang dapat sundin ng buong bansa. Itinatakda ng Saligang-Batas ang mga bagay na dapat gawin ng estado at pamahalaan para sa mamamayan; at ang mga tungkulin ng mamamayan sa estado at pamahalaan. Isinasaad din nito ang mga bagay na hindi dapat gawin ng pamahalaan.


Ang “saligang-batas” ay salin ng konstitusyon (constitucion o constitution) sa Espanyol o sa Ingles.


Sa kalakhan, ang lahat ng naging saligang-batas ng Filipinas ay naglalarawan ng mga karapatan ng mamamayan at mga pananagutan ng pamahalaan.


Itinatakda nito ang anyo ng pamamahala sa Filipinas at paano pipiliin ang mga pinuno ng bansa. Inilalahad din ng konstitusyon ang mga pangkalahatang patakaran ng estado at ang mga tungkulin at gawain ng mga pangunahing sangay ng gobyerno.


Ang saligang-batas din ang batayan ng pagbubuo ng mga lupong konstitusyonal. Ang Konstitusyong Biyak-na-Bato at Konstitusyong Malolos ang mga unang saligang-batas sa Filipinas. Ito ang naging legal na batayan sa pagiral ng rebolusyonaryong pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo.


Ang Konstitusyong 1935 ang naging batayan ng Pamahalaang Komonwelt na pinamunuan nina Pangulong Manuel Quezon at Pangulong Sergio OsmeƱa. Ginamit rin ito ng malayang Republika ng Filipinas mula 1946 hanggang 1972.


Nilusaw ang Konstitusyong 1935 nang magdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos ng Batas Militar noong 1972. Pinalitan ito ng Konstitusyong 1973 na binalangkas ng isang Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1971.


Nang malansag ang pamamahala ni Marcos noong 1986 ay kasabay ding nilusaw ang Konstitusyong 1973. Pinalitan ito ng Konstitusyong 1987 na umiiral hanggang sa kasalukuyan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: