Batasang Pambansa
Isa itong kapulungang may isahang kamara (unicameral) na binubuo ng mga halal na kinatawan mula sa mga probinsiya, distrito, lungsod, at mga sektoral na kinatawan ng kabataan, manggagawa, at magsasaka.
Ang pangkalahatang kapulungan ng Batasang Pambansa ay may katungkulang maghalal ng Ispiker, Pangulo, at Punong Ministro, magbalangkas ng mga batas, magpatibay ng mga internasyonal nakasunduan,magsagawa ng imbestigasyong makatutulong sa paglikha ng batas, magbalangkas ng
badyet ng gobyerno, at magdeklara ng giyera.
Ang Batasang Pambansa ay binuo ayon sa Konstitusyong 1973 na pinagtibay noong 17 Enero 1973 sa bisa ng Presidential Proclamation No.1102 ni PangulongMarcos.
Pinalitan ng konstitusyong ito ang uri ng gobyernong umiiral sa Filipinas mula sa presidensiyal na sistema tungo sa isang binagong parlamentaryong sistema.
Noong 16 Oktubre 1976, naglunsad si Pangulong Marcos ng isang reperendum-plebisito upang susugan ang Konstitusyong 1973 at itakda ang pagbubuo ng isang Interim Batasang Pambansa (IBP).
Matapos nito, pinulong ng pangulo ang isang Batasan noong Agosto 1977 na tumalakay sa pagbubuwag ng presidensiyal na sistemang panggobyerno at pagtatakda ng pormal na halalan upang maitatag ang IBP.
Naging masalimuot ang isinagawang halalan para sa Interim Batasang Pambansa noong 16 Abril 1978. Binoykot ng ilang prominenteng personalidad sa oposisyon ang halalan subalit lumahok dito si Senador Benigno Aquino Jr. kasama ng ilang nakapiit na oposisyonista sa ilalim ng
koalisyong Lakas ng Bayan (LABAN).
Sa kabilang panig, inorganisa ni Pangulong Marcos ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ng mga Nacionalista, Liberal, at iba pang partido.
Noong Abril 6, sumiklab ang espontaneong kilos protesta ng mamamayan sa pamamagitan ng malawakang pag-iingay sa mga lansangan ng Maynila. Pagkatapos ng halalan, mayorya ng posisyon sa IBP ang nakuha ng KBL samantalang 13 puwesto lamang ang napagwagian ng oposisyon.
Pinasinayaan ang unang pulong ng Interim Batasang Pambansa noong 12 Hunyo 1978. Naging ganap na isahang kamara ang kapulungang ito noong 17 Enero 1981 at umiral hanggang Pebrero 1986.
Binuwag ni Pangulong Corazon Aquino ang Batasang Pambansa noong 25 Marso 1986 sa bisa ng
Proklamasyon Blg. 3. Gayunman, nanatili ang pangalang “Batasang Pambansa” para sa gusali at pook sa Lungsod Quezon na ginamit ng IBP at ginagamit ngayon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing basahin:
No Comment to " Batasang Pambansa "