Katutubong tato (tattoo sa Ingles) sa Kordilyera: fátek sa Bontok, bátek sa Kalinga, at  fatok sa Ibaloy.


Lahat ng salitâng ito ay mula sa tunog ng pagtiktik ng patpat sa instrumentong ginagamit sa pagtatato na karaniwang yari sa sungay ng kalabaw na may mga tinik o karayom sa isang dulo.


Mabusising trabaho ang pagtatato. Maaari itong tumagal mula isang araw hanggang isang linggo depende sa disenyo.


Karaniwang nilalagyan ng tato ang kamay, bisig, dibdib, binti, at paa.


Laganap sa Filipinas noong bago dumating ang mga Espanyol, buhay hanggang ngayon ang sinaunang kaugaliang ito sa mga lalawigan ng Kordilyera, lalo na sa Kalinga.


Dito matatagpuan ang pinakamaraming manfatek (eksperto sa pagtatato) at ang pinakakomplikadong mga tato na kamamalasan ng heometrikong disenyo, at ng mga makahulugang motif tulad ng butiki at mga markang-x na kung tawagin ay lin-lingao.


Hindi malinaw kung ano ang orihinal na katuturan ng fatek, ngunit ayon sa ilang ulat mula sa panahong kolonyal, ang pagtatato sa Kordilyera ay kaugnay ng kayaw o pamumugot ng ulo ng kaaway na laganap sa rehiyon noon.


Sa Kalinga, mga mandirigma na lumahok at nagtagumpay sa mga pakikipaglaban sa mga kaaway ng kanilang ili ang may pinakamaraming tato. Hanggang ngayon, nananatili ang mahigpit na kaugnayan ng tato sa kagitingan sa pandirigma.


Hindi lamang ang mga lalaking mandirigma, bagkus pati na rin ang ilang babae sa kanilang angkan, ang maaaring magtaglay ng tato bilang tanda ng kanilang mataas na ranggo sa lipunan.


Sa pagdaraaan ng panahon, nagkaroon ng iba pang kahulugan ang fatek. Ngayon, tinitingnan ito bilang tanda ng kahandaan sa pagtanggap ng responsabilidad, o sagisag ng katutubong konsepto ng kagandahan. Higit sa lahat, dumarami ngayon ang nagpapatato ng tradisyonal na disenyo upang ipagmalaki ang kanilang etnikong identidad.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: