Ang butiki ay kabilang sa mga reptilya. May humigit-kumulang 5600 uri ng butiki na matatagpuan sa buong mundo. Sinasabing malapit ang pinagmulan ng butiki sa ahas dahil sa magkatulad nitong balat at anyo ng buto.


Ang butiki ang may tainga at apat na paa. Ito ang kapansin-pansing kaibhan ng butiki sa ahas. Maraming butiki ang may kakayahang tanggalin ang buntot para makatakas sa kaaway o tinatawag na autotomy.


May ilan namang butiki ang may kakayahang magbago ng kulay ng balat upang makapagtago sa mga kaaway. Mahalaga sa mga butiki ang paningin dahil ito ang ginagamit para makita ang mga kaaway at magkaroon ng komunikasyon sa iba.


Karamihan sa mga butiki ay naninirahan sa ilalim ng lupa. Mayroon din sa mga disyerto at matutubig na lugar. Ang Amblyrhynchus naman ay sa tubig alat. Ang ilan sa mga butiki ay gisíng sa gabi at natutulog kung umaga. Marami ang nabubuhay sa pagkain ng insekto at bulate, at ang iba naman ay sa mga dahon. May mga kumakain din ng prutas at gulay.


Ang itlog ng butiki ay hugis biluhaba at magkatulad ang magkabilang dulo. Iniiwan ng ina ang mga itlog nito sa buhanginan o sa mga tagong lugar upang kusang mabuksan sa tamang panahon. Maraming uri ng butiki ang hindi nangingitlog, kundi nagsisilang ng batang butiki.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: