Balintong
Maraming balintong ang makikitang magkakasáma sa mga lugar sa Palawan na tulad ng Busuanga, Culion, at Calauit ngunit nanganganib na maubos dahil sa pangangaso ng mga tao sa mga nabanggit na lugar.
Ang balintong ay madalas mag-isa at arboryal kung kaya pinipilì nitong manirahan sa itaas ng punongkahoy kaysa lupa. Nabubuhay ang ganitong species hanggang 20 taon.
Kagaya ng anteater, mayroon itong pabilog na katawan, at pahabang nguso at buntot na ginagamit sa paghawak sa mga bagay-bagay. Ang katawan nito ay nababalutan ng patulis at patongpatong na mga kaliskis na matingkad ang kulay at gawa sa keratin.
Ang mga batang balintong ay mayroong malalambot at hindi pa matingkad na kaliskis na tumitigas at tumitingkad habang tumatagal.
Ang ilong, mata, at tiyan nito ay hindi nababalutan ng kaliskis. May matatalim na kuko ito sa paa at mahabàng dila na puno ng malagkit at makapit na laway. Karaniwang tumitimbang ito nang 1.8-2.4 kilogramo at may habà na aabot sa 176 sm.
Ang karaniwang pagkain nito ay mga insektong tulad ng langgam at anay. Ginagamit nito ang matalas na pang-amoy para hanapin ang kolonya ng mga insekto.
Ginagamit nito malalaki at matatalim na kuko upang sirain ang bahay ng anay. Saka ilalabas ang dila para hulihin ang pagkain.
Kapag nakaaamoy ng panganib, pinoprotektahan ng balintong ang sarili pati ang anak nito sa pamamagitan ng pagrorolyo sa sarili na parang bola habang hawak ang anak sa loob ng mga matitigas na kaliskis. Maaari rin itong maglabas ng masamang amoy para palayuin ang ibang hayop. Ang kilalang kalaban ng balintong ay ang mga sawa.
Ang karne ng balintong ay ginagawang putahe sa Asia, partikular sa bansang Tsina. Habang ang kaliskis naman nito ay ginagamit na sangkap sa mga medisinang tradisyonal sa Timog Silangang Asia at ginagamit na gamot sa hika. Dahil sa patuloy na pangangaso para sa karne at kaliskis, inilista ito sa ilalim ng kategoryang Near Threatened.
Inakala noong katulad ito ng species na Manis javanica. Nagsimulang pagusapan ang posibilidad ng pagiging bukod na species nito noong 1998 at opisyal na kinilalang bagong species, sa tulong ng pag-aaral nina Gaubert et. al., noong 2005. Tinatawag din itong halintong, baleke, at tanggilíng.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Balintong "