Buwaya
Tinatawag din na buwaya ang mga kabílang sa orden ng Crocodylia gaya ng mga kabílang sa pamilya Alligatoridae (alligator at caiman) at pamilya Gavialidae (gharial).
Ang buwaya ay naninirahan sa mga matubig na lugar, lalo sa mga ilog na mabagal ang agos. Matatagpuan ito sa malaking bahagi ng tropikal na rehiyon ng Asia, Aprika, Amerika, at Australia. Maaari itong kumain ng iba’t ibang uri ng buhay at patay na mga mammal at isda. Ang ilang uri, tulad ng Crocodylus porosus (Saltwater Crocodile) ng Australia at ng mga pulo sa Pasipiko, ay napag-alamang nakikipagsapalaran at tumatawid ng mga dagat.
Ang buwaya ay tinatawag na dapi, dapu sa Kapampangan, krokodilyo (Espanyol: cocodrilo), at vaya sa Ibanag. Sa wikang Tagalog, kapuwa tinatawag na buwaya ang mga miyembro ng Crocoylidae (crocodile) at Alligatoridae (alligator). Sa Bibliya, tinagurian itong isang leviathan.
Ang Crocodylus mindorensis ay isang buwaya na matatagpuan lamang sa Filipinas. Sa Ingles, tinatawag din itong Philippine crocodile (buwaya ng Filipinas), Mindoro crocodile (buwaya ng Mindoro) at Philippine freshwater crocodile (buwayang tubig-tabang ng Filipinas).
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpatay ng buwaya, dahil lubhang nakababahala ang mabilis na pag-unti nito. Ang pinakamalaking buwaya (Crocodylus porosus) sa buong mundo ay nahuli sa Filipinas noong Setyembre 2011. Ang haba nito ay 21 piye (6.4 metro) at tumitimbang ng 1,075 kilo (2,370 libra). Mas malaki ito sa napatalang dating pinakamalaki sa buong mundo na may habang 17 piye. Nahuli ito sa Nueva Ira, Bunawan, Agusan del Sur. Ito ay isang lalaki, tinatayang mahigit nang 50 taóng gulang, kaya pinangalanang “Lolong.”
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Buwaya "