Himagsikang 1896
Itinatag ang Katipunan o Kataastaasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong gabi ng 7 Hulyo 1892 pagkatapos mapabalita ang pagdakip at pagdestiyero kay Jose Rizal.
Inisip ng mga tagapagtatag na sina Andres Bonifacio, Teodoro Plata, Valentin Diaz, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, at dalawa pa na walang saysay ang kilusang repormista.
Ang Katipunan ay isang lihim na samahan para ibagsak ang gobyernong dayuhan. Unti-unti itong kumalat sa mga bayan sa paligid ng Maynila at nagkaroon ng mga sanga hanggang Ilokos sa hilaga, Kabikulan, Aklan, Cebu, Palawan, at hanggang Mindanao bago natuklasan noong Agosto 1896.
May ulat na si Padre Mariano Gil ng Tondo ang nagsuplong sa Katipunan. Nalaman niya ito mula sa isang Katipunero, si Teodoro Patiño, na hinimok ng kapatid na relihiyosang ipagtapat sa pari ang lihim na kilusan.
Noon ding gabi ng 19 Agosto 1896 ay dinakip ng pulisya ang maraming Filipino na pinaghihinalaang kasapi ng Katipunan. Nasa Kalookan noon si Bonifacio at dagliang nag-atas na magtipon ang mga Katipunero sa Balintawak.
Sa naganap na pagtitipon, ipinasiya nilang lumaban para sa kalayaan. Noong Agosto 28, nagpalabas ng manipesto si Bonifacio na gumaganyak sa sambayanan na lumahok sa himagsikan. Ang unang malaking labanan ay naganap noong Agosto 30 sa San Juan del Monte. Samantala, nagsipagalsa din ang mga Katipunero sa mga karatig lalawigan.
Sa gayon, noon ding Agosto 30 ay nagdeklara ng batas militar si Gobernador-Heneral Ramon Blanco sa unang walong probinsiyang naghimagsik, ang Cavite, Maynila, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Nueva Ecija.
Nagpatuloy ang maramihang pagdakip sa mga Filipino. Malimit na pinaparusahan ng kamatayan ang mga bilanggo nang walang paglilitis. Noong 4 Setyembre, apat na Katipunero ang binaril sa Bagumbayan. Walong araw matapos iyon, binitay sa Cavite ang 13 bilanggong tinatawag ngayong “Trece Martires.” Noong Enero 1897, 12 patriyotang Bikolano ang binitay at 19 pa ang binitay sa Kalibo.
Binitay din si Rizal noong 30 Disyembre 1896 sa hinalang tagapagsulong ng rebolusyon. Ngunit sa halip matakot ay sumapi ang marami sa himagsikan.
Isang masaklap na pangyayari sa Himagsikang 1896 ang pagpaslang kay Bonifacio sa Cavite noong 10 Mayo 1897. Napunta kay Heneral Emilio Aguinaldo ang liderato.
Dumanas ng mga pagkatalo ang mga manghihimagsik sa iba’t ibang pook. Upang hindi mapikot sa Cavite, umatras ang hukbo ni Aguinaldo hanggang makarating at humimpil sa yungib ng Biyak-na-Bato, San Miguel de Mayumo, Bulacan.
Nagkaroon ng negosasyong pangkapayapaan at noong Disyembre 15 pinirmahan ang hulíng dokumento sa tinatawag na Kasunduang Biyak-na-Bato. Sa mga aklat, itinuturing na ito ang wakas ng Himagsikang 1896 bilang unang yugto ng Himagsikang Filipino. Gayunman, maraming pangkating Katipunero ang hindi nagsuko ng sandata. Bumuo ng bagong gobyernong mapaghimagsik si Heneral Francisco Makabulos sa Tarlac dahil iyon diumano ang mas nais ng taumbayan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Himagsikang 1896 "