Si Andres Bonifacio ang nagtatag ng Katipunan at itinuturing na “Ama ng Himagsikang Filipino.”


Tinatawag siyang “Supremo ng Katipunan” at “Haring Tagalog” dahil naging pangulo siya ng kapisanang mapanghimagsik.


Isinilang siyá noong 30 Nobyembre 1863 sa Tondo, Maynila at panganay sa anim na anak nina Santiago Bonifacio, isang sastre, at Catalina de Castro.


Mga kapatid niyang lalaki sina Ciriaco, Procopio, at Troadio at mga kapatid na babae sina Espiridiona at Maxima.


Naulila siláng lubos noong 14 taón si Andres kayâ binúhay niya ang mga kapatid sa pagtitinda ng bastong kawayan at papel na abaniko at pagtatrabaho bilang mensahero at bodegero.


Gumawa rin siyá ng mga poster para sa mga kompanya ng komersiyo.


Una niyang malaking trabaho ang klerk-mensahero sa kompanyang Ingles na Fleming and Company. Lumipat siyá pagkuwan sa Alemang Fresell and Company.


Isa siyáng alagad ng sining.


Bukod sa pagguhit ng poster ay mahilig din siyang mag-artista at naging kasapi ng samahang pandulaan sa Palomar, Tondo. Noong 1887, kasáma ang ibang kaibigan ay itinayô nilá ang El Teatro Porvenir at nag-eksperimento sa pagpapalit ng mga pangalang Tagalog at mga pook, bagay, at eksena ng mga komedyang Espanyol na isinalin sa Tagalog.


Isa siyang mahusay na makata at manunulat.


Isinalin niya sa tula ang sanaysay na Amor Patrio ni Rizal at siyá ang unang nagsalin sa Tagalog ng tulang Ultimo Adios ni Rizal.


Ang sanaysay niyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ay isang napakaikli ngunit matalim na kasaysayan ng Filipinas at tigib sa nag-aalab na damdaming makabayan.


Ang hilig niyang mag-aral ng wika ay natumbasan ng hilig niyang magbasá. Nang halughugin ang kaniyang tirahan sa bodega ay nasamsam ng mga Espanyol ang mga dokumento’t librong kinabibilangan ng The French Revolution, Lives of the Presidents of the United States, at mga nobelang El Judeo Errante ni Eugene Sue, Noli at Fili ni Rizal, at iba pa.


Una niyang asawa si Monica na namatay sa ketong.


Sa isang pakikipamista sa Kalookan ay nakilála niya at niligawan si Gregoria de Jesus. Ikinasal silá noong 1893 at muling ikinasal sa loob ng Katipunan.


Itinatag niya ang mapanghimagsik na Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK noong 7 Hulyo 1892 sa isang bahay sa Calle Ilaya, Tondo kasáma sina Ladislao Diwa, Teodoro Plata, at Deodato Arellano.


Bunga ito ng ipinalalagay niláng kabiguan ng mapayapang kampanya para sa reporma ng La Solidaridad at ng naganap na pagdakip at pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan.


Ang lihim na kapisanan ay lumago na sa Kamaynilaan at ibang mga lalawigan bago natuklasan at sumiklab ang Himagsikang Filipino noong Agosto 1896.


Dahil sa hidwaan ng dalawang pangkat ng Katipunero, ang Magdiwang at ang Magdalo, sa Cavite ay inanyayahan siyá doon upang mamagitan. Nauwi ang lahat sa pagtatayô ng isang bagong pamahalaan ng manghihimagsik noong 22 Marso 1897. Nahalal ditong pangulo si Heneral Emilio Aguinaldo at ministrong panloob si Andres.


Hindi minabuti ni Andres ang pagmaliit sa kaniyang kakayahan ng isang Magdalo kayâ pinawalang-bisà niya ang halalan sa isang dokumento noong Marso 24. Kasáma ang dalawang kapatid, ang kanyang asawa, at ilang tauhan ay sinikap niyang bumalik ng Maynila.


Sinundan ng mga Magdalo ang pangkat niya at dinakip. Sa labanan ay namatay si Ciriaco at nasugatan si Andres. Dinala silá sa Maragondon, Cavite at nilitis. Nahatulan siyang nagkasala ng sedisyon at pinarusahan ng kamatayan. Noong 10 Mayo 1897, dinalá siyá at kapatid na Procopio sa Bundok Buntis at duon sila pinatay.


Mungkahing Basahin: