Ano ang La Solidaridad?

Isang diyaryo sa wikang Espanyol ang La Solidaridad at naging pangunahing tinig ng Kilusang Propaganda para sa mga kailangang reporma sa Filipinas noong panahon ng kolonyalismong Espanyol.


Itinayo ito ng isang samahan ng mga repormista na La Solidaridad din ang pangalan. Isa itong quincenario, na nangangahulugang lumalabas tuwing dalawang linggo, at unang inilimbag sa Barcelona, Espanya.


Lumabas ang unang isyu nito noong 15 Pebrero 1889 sa pamamatnugot ni Graciano Lopez Jaena. Inilipat ang pasulatan nito sa Madrid at ipinasa ni Lopez Jaena ang pagiging patnugot kay Marcelo H. del Pilar sa isyung lumabas noong 15 Nobyembre 1889.


Nagtagal ang diyaryo hanggang 15 Nobyembre 1895.


Nilayon ng diyaryo na iparinig sa gobyernong Espanya ang masaklap na kalagayan ng mga mamamayan sa Filipinas at ibunyag ang kalupitan ng mga fraile.


Sa pamamatnugot ni Del Pilar, lalong matatapang na reporma ang hiningi ng mga repormista: Filipinisasyon ng mga parokya; kalayaan sa pamamahayag, pagsasalitâ, at pagtitipon-tipon; pag-asimila sa Filipinas bilang probinsiya ng Espanya, at kaugnay nito, representasyon sa Cortes ng Espanya at aktibong pakikilahok ng mga Filipino sa pamamahala ng gobyerno.


Sa loob ng halos pitong taon, naging tinig ang La Solidaridád sa payapang paghingi ng reporma. Wala mang nakamit na reporma, mahalaga ang pahayagang ito dahil matutunton dito ang pagyabong ng pampolitikang kaisipan ng mga Filipino; pinatunayang rebolusyon lamang ang landas sa paglaya; bukod pa sa naglabas ito ng katangi-tanging mga artikulo na sinulat nina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Antonio Luna, Jose Ma. Panganiban, at iba pa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: