Si Mariano Ponce (Mar·yá·no Pón·se) ay isa sa mga lider ng Kilusang Propaganda at kaibigang matalik si Rizal.


Isinilang siyá noong 23 Marso 1863 sa Baliuag, Bulacan kina Mariano Ponce Sr at Maria Collantes. Nakapagtapos siyá ng bachiller en artes sa Colegio de San Juan de Letran noong 1885 at kumuha ng medisina sa Universidad de Santo Tomas. Naging kalihim siyá ng Asociacion Hispano-Filipino, ang organisasyon ng mga liberal na Espanyol at Filipino at ng kanilang kilusang repormista. Isa siyá sa tagapagtatag ng La Solidaridad sa Barcelona, Espanya noong Pebrero 1889. Siyá ang humawak ng seksiyong pampanitikan ng diyaryo nitó. Nakapaglathala siya ng halos 40 artikulo sa La Solidaridad tungkol sa kasaysaysan, politika, sosyolohiya at paglalakbay.. Gumamit siyá ng mga sagisag-panulat na Naning, Kalipulako, at Tigbalang.


Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, ikinulong siyá sa Barcelona. Lumipat siyá sa Pransiya nang makalaya, pagkaraan ay nagtungo sa Hong Kong, at doon ay naging kalihim ng junta revolucionaria ni Emilio Aguinaldo. Noong 1898, hábang nása Japan bilang kinatawan ng pamahalaan ni Aguinaldo, naging kaibigan niya si Dr. Sun Yat-Sen. Nagpakasal din siya kay Okiyo Udanwara, anak ng isang samurai. Nagawa niyang humingi sa mga Hapon ng karagdagang armas para sa rebolusyon, ngunit hindi ito nakarating sa Filipinas dahil nasira ang barkong pinagkargahan ng mga ito.


Bumalik siyá sa bansa noong 1908. Naging patnugot siya ng El Renacimiento at tumulong sa pagtatatag ng El Ideal, ang pahayagan ng Partido Nacionalista. Nahalal siyá bilang kinatawan ng Bulacan sa Philippine Assembly.


Tumulong siyáng mailabas ang Filipino celebres, isang serye ng mga talambuhay ng mga kilalang Filipino Nakipagtulungan din siyá kay Jaime C. de Veyra noong 1914 para sa Efemerides Filipinas, isang kalipunan ng mga artikulo hinggil sa makasaysayang pangyayari at personalidad sa Filipinas. Ang ilan sa mga akda niya ay: “El Folklore Bulaqueño” (1887); “Una excursion” (1889); “Pandaypira”; “Villanueva y Gettru” (1890); “Jose Maria Panganiban” (1890), talambuhay ng propagandistang si Jomapa; “Sandwit” (1893); “Siam” (1893); “America en el descubrimiento de Filipinas” (1892); “Cronologia de los ministros de Ultramar Cuestion Filipina” (1900); at “Sun Yat-Sen” (1912).


Namatay si Ponce noong 23 Mayo 1918 sa Hong Kong.

 

Latest Posts: