Ika-102 taong anibersaryo ng pagpanaw ni Mariano Ponce Y Collantes (1918-23-Mayo-2020)


Namatay si Ponce noong 23 Mayo 1918 sa Hong Kong. Patungo sana siya sa Tsina upang bisitahin ang kanyang matalik na kaibigan na si Dr. Sun Yat-sen. Naiwan niya ang kanyang asawang Hapon na si Okiyo Udangawa at apat na anak na sina Pedro, Carmen, Consolacion, at Mary.


Iniuwi ang mga labi ni Ponce sa tulong ng kapwa niyang mga mason. Idinaos ang lamay sa templo ng lohiya ng Sinukuan sa Kalye Bilbao, Tondo, Maynila. Inilibing siya sa Cemeterio del Norte (ngayon ay Manila North Cemetery) noong 15 Hunyo 1918. Noong 19 Mayo 1951, iniuwi ang mga labi ni Ponce sa Baliuag.


Sa tinatawag ng ‘Triumvirate’ ng Kilusang Propaganda, naunang pumanaw sina del Pilar at Rizal. Maaga silang dinakila ngunit hindi kinalimutan ng bayan si Ponce. Pinatutunayan ito ng kanyang mga bantayog, at ang mga pook at institusyong ipinangalan sa kanya. Gayunman, ang pinakaangkop na paraan upang parangalan siya ay ang pagpapahalaga sa sariling kasaysayan at kultura bilang Asyano at bilang Pilipino.


Pinagmulan: fb/museonimarianoponce


Mungkahing Basahin: