“Los Indios Bravos.” “Matatapang na Indio.” Ito ang naging bansag nina Jose Rizal at iba pa sa kanilang grupo, mga estudyanteng nasa Espanya noong mga taong 1880.


Ang salitang “Indio” (taga-India) ang pakutyang tawag ng mga mananakop na Espanyol sa mga katutubo. Pabiro, ngunit seryo, ang salitang Indio rin ang itinawag nina Rizal sa kanilang grupo ngunit may pang-uring “bravo” (“matapang”) upang ipamukha sa mga mananakop na Espanyol na may angking tapang, talino, at dangal ang mga taong pinagsasamantalahan nilá habang hinamahak.


Matapos bitayin ang mga paring sina Gomez, Burgos, at Zamora noong 1872, maraming Filipinong ipinatapon sa Marianas, Hong Kong, at iba pang lugar. Ang iba naman ay kusang lumisan ng bansa upang makaiwas sa pagtugis ng mga awtoridad.


Maraming estudyante ang nagpunta sa Espanya hindi lamang upang mag-aral kundi upang magpasimula ng kilusan sa paghingi ng reporma. Kabilang sa mga estudyanteng ito sina Graciano Lopez Jaena, Jose Rizal, Jose Ma. Panganiban, Mariano Ponce, Marcelo H. del Pilar, Juan Luna, Felix Resurreccion Hidalgo, Edilberto Evangelista, Jose Alejandrino, Pedro Serrrano Laktaw, Teodoro Sandico, Ariston Bautista, Gregorio Aguilera, at iba pa.


Ang mga nabanggit ay kabilang sa “Los Indios Bravos.” Hindi ito isang pormal na organisasyon ngunit sila ang naging aktibo sa Kilusang Propaganda upang ipabatid sa Espanya ang mga hinaing ng mga Filipino. Ginamit nilang tagapagbandila ang pahayagang La Solidaridad.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: