Kinikilala si Graciano Lopez Jaena (Gras·yá·no Ló·pez Háy·na) bilang isang lider ng kilusang repormista, manunulat, peryodista, at orador.

 

Maraming historyador ang kumikilala sa kaniya bilang isa sa “tungkong kalan” o triumvirate ng Kilusang Propaganda, kasama sina Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar.


Isinilang siya sa Jaro, Iloilo noong 18 Disyembre 1856 kina Placido Lopez at Maria Jacobo Jaena. (Kaya dapat na “Graciano Jaena Lopez” o “Graciano Lopez y Jaena” ang pagsulat sa buong pangalan niya.)


Pumasok siya sa seminaryo ng Iloilo at nag-ambisyong maging doktor. Sinubukan niyang pumasok sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit hindi pinahintulan sapagkat walang handog na Bachiller en Artes ang kaniyang seminaryo. Nabigyan siya ng pagkakataong matuto sa ospital ng San Juan de Dios, ngunit kinailangang bumalik sa Iloilo dahil sa kagipitang pinansiyal.


Sa mga akdang Fray Botod (na isinulat niya sa edad 18) at La Hija del Fraile ay isiniwalat niya ang mga pagmamalabis ng fraileng Espanyol. Nagalit ang mga fraile at ipinadakip siya.


Tumakas siya patungong Espanya noong 1879 at naging masigasig sa Kilusang Propaganda. Dito siya sumikat bilang isa mga nangungunang orador, manunulat, at tagapagsalita ng mga repormistang Filipino. Sinubukan niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina sa Unibersidad ng Valencia ngunit hindi rin ito tinapos.


Isa siya sa nanguna sa pagtatatag ng La Solidaridad noong 1889 at naging unang editor nito.


Tinipon niya noong 1891 ang kaniyang mga akda at nilimbag bilang Discursos y Articulos Varios (Mga Talumpati at iba pang Lathalain). Namatay siy sa Barcelona, Espanya noong 20 Enero 1896 sa sakit na tisis. Hindi na naibalik sa Filipinas ang kaniyang mga labí.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: