Jose Basa: Ismagler ng Himagsikang Filipino
Si Jose Ma. Basa rin ang nakaisip ng malikhaing paraan kung paano palihim na makararating at maipalalaganap sa Filipinas ang mga kopya ng mga nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal.
Isinilang si Jose Basa sa Binondo, Maynila, noong 19 Disyembre 1839. Ang mga magulang niya ay sina Don Mateo Basa at Doña Joaquina San Agustin. Nagtapos siya ng bachiller en filosofia sa Universidad de Santo Tomas noong 1890. Sa edad na 20, pinamahalaan niya ang distileriya sa Trozo, Maynila, na pag-aari ng kanyang ama.
Miyembro si Basa ng Comite de Reformadores, isang organisasyong humingi ng mga reporma sa pamamahala ng mga Espanyol sa Filipinas sa pamamagitan ng pahayagang El Eco Filipino, na inilathala sa Espanya ng bayaw ni Basa, si Federico Lerma, asawa ng kapatid ni Basa na si Rafaela.
Dahil kabílang din sa nasabing komite si Padre Jose Burgos, nadawit si Basa sa pag-uusig laban sa nasabing pari, at matapos bitayin ang tatlong paring sina Gomez, Burgos, at Zamora, napabílang si Basa sa mga ipinatápon sa Marianas. Dalawang taón sa Marianas si Basa bago pumunta sa Hong Kong.
Sa tahanan ni Basa sa Hong Kong nagtatagpo at nagpupulong ang mga Filipino. Nang sakupin ng mga Amerikano ang Filipinas, isa si Basa sa mga Filipinong naniwala sa tapat na hangarin ng dayuhang bansa.
Naniwala si Basa na ang Estados Unidos ang pinakaliberal at pinakamakataong demokratikong gobyerno sa buong mundo. Kaya kasama ang ilan pang Filipino, nag-alok pa sila ng salapi sa gobyernong Amerikano upang suportahan ang pagiging protektorado ng Filipinas. Hinangad din nilang maging mga mamamayang Amerikano.
Nanatili na sa Hong Kong si Basa at dumalaw lamang sa Filipinas noong 1888 at 1889. Napulmonya siya at yumao noong 10 Hulyo 1907. Walong taon pagkaraan, ang kaniyang mga labí ay inilibing sa Cementerio del Norte, Maynila noong 18 Abril 1915.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Jose Basa: Ismagler ng Himagsikang Filipino "