Ang simula ng paglilitis kay Jose Rizal
Sinimulan ang paglilitis kay Jose Rizal noong Disyembre 6, 1896.
Higit isang buwan nang nasa Maynila si Dr. Jose Rizal bilang incommunicado sa Fort Santiago, at sa araw na ito, Disyembre 6, noong 1896, sinimulan ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas na litisin ang ating Pambansang Bayani sa harap ng isang hukumang militar.
Bagama’t isang sibilyan, isinakdal pa rin si Dr. Rizal sa hukumang militar dahil umiiral pa rin noong mga panahong iyon ang Batas Militar na ipinroklama ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco.
Ika-20 ng Nobyembre, 1896 nang sinimulan ang paunang imbestigasyon kay Dr. Rizal, kung saan iprinisenta sa kanya ni Don Enrique de Alcocer ang 14 na mga “ebidensya” na nakalap ng mga otoridad para idiin siya bilang may pakana sa nangyayaring Rebolusyon. Kasama sa mga ebidensyang iyon ang mga salaysay ng ilang mga Pilipinong gaya nina Dr. Pio Valenzuela, Aguedo del Rosario, Deodato Arellano at Martin Constantino.
Si Kapitan Rafael Dominguez ang nagsilbing huwes sa paglilitis na iyon laban kay Dr. Rizal, kung saan isinakdal siya sa mga kasong gaya ng rebelyon, sedisyon at sabwatan laban sa pamahalaang kolonyal.
Ayon kay Kapitan Rodriguez, si Dr. Rizal ang punong tagapagtaguyod at buhay na diwa ng Rebolusyong Pilipino, siya ang nagtatag ng mga lihim na organisasyon at mga subersibong propaganda laban sa pamahalaang kolonyal at nagtaguyod ng mga pilibusterong ideya sa mga Pilipino, at siya rin ang pinuno ng mga kilusang nagtataguyod ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya.
Ipinag-utos naman ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco na ibigay sa Auditor General de Guerra na si Nicolas de la Peña ang kaso ni Dr. Rizal.
Sa unang pagsalang kay Dr. Rizal sa hukumang militar, inirekomenda ni Kapitan Rodriguez at ni De La Peña na ikulong pa rin ang nasasakdal, at pagbayarin siya ng danyos na aabot sa isang milyong piso. Inaprubahan rin ni Kapitan Rodriguez ang mosyon ni De La Peña na isang opisyal ng militar at hindi sibilyan ang tatayong abogado para kay Dr. Rizal, at si Don Enrique de Alcocer ang magsisilbing tagausig sa nasasakdal.
No Comment to " Ang simula ng paglilitis kay Jose Rizal "