Pambansang bayani at itinuturing na pinakadakilang Filipino si Jose Rizal (Ho·se Ri·zál). Sa buong buhay niya, sinikap niyang maging huwaran ng mga kababayan.


Ginawa niya ang pinakamagaling na maaari niyang gawin sa iba’t ibang larangan ng Filipinolohiya, sining, agham, at teknolohiya. Kakikitahan ng pinakamataas na antas ng kasiningan ang kaniyang mga tula, nobela, dula, sanaysay, pintura at eskultura.


Isang doktor, dinayo ng mga pasyente mula sa iba’t ibang bansa ang kaniyang mga klinika sa Hong Kong at sa Dapitan, Zamboanga del Norte. Ipinamalas niya sa Dapitan ang pagiging arkitekto, inhenyero, magsasaka, at imbentor. Mahusay siyang atleta lalo na sa eskrima. Nag-aral siyang magsalita at magsulat sa iba’t ibang wika.


Isinilang si Jose Rizal noong 19 Hunyo 1861 sa Calamba, Laguna. Pampito siya sa 11 anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso. Dahil pinaghihinalaang filibustero ang Mercado, ginamit niya ang apelyidong Rizal nang mag-aral siya sa Maynila.


Bata pa’y kinakitahan na siya ng katalinuhan. Sa Ateneo Municipal sa Maynila, tumanggap siya ng mga medalya ng karangalan sa pag-aaral at pagsusulat. Pinakamataas na marka ang natanggap niya nang magtapos noong 1876 ng batsilyer sa sining (katumbas ng mataas na paaralan).


Kumuha siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas habang nag-aaral ng pagiging agrimensor sa Ateneo. Huminto siya sa mga kursong ito nang sa gulang na 21 ay lihim siyang magpunta sa Europa.Tinapos niyá ang medisina at pilosopiya sa Universidad Central de Madrid sa Espanya noong 1885.


Itinuring siyang gabay ng Kilusang Propaganda at aktibong nagsulat sa diyaryong La Solidaridad. Noong 1889, ipinalathala niyang muli nang may anotasyon sa London, England ang bihira nang matagpuang librong Sucesos de las Islas Filipinas ni Dr. Antonio de Morga na unang nalathala sa Mexico noong 1609.


Bago iyon, nalathala na ang kaniyang nobelang Noli me tangere (1887) sa Berlin, Germany. Sinundan ito ng nobelang El filibusterismo (1891) na ipinalimbag sa Gent, Belgium.


Isiniwalat ng kaniyang mga nobela ang kabulukan ng pamamahalang Espanyol sa Filipinas at ang mga kahinaan ng simbahang Katoliko habang naglalatag ng mga kaisipang pampolitika ukol sa pagpapalakas ng diwang makabayan.


Pagbalik sa Filipinas noong 1892, dinakip siya at ipinatapon sa Dapitan. Upang matapos ang destiyero, nagboluntaryo siyang maglingkod bilang manggagamot sa Cuba noong 1896, taon ng pagsiklab ng Himagsikang Filipino.


Muli siyang dinakip sa kalagitnaan ng paglalakbay, kinasuhan ng panghihikayat ng rebelyon, at binitay noong umaga ng 30 Disyembre 1896.


Ang kamatayan ni Jose Rizal ay lalong nagsilbing liwanag sa mga kababayan na ipagpatuloy ang rebolusyon tungo sa pambansang kasarinlan at pagbubuo ng nasyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: