Ano ang tula?


Ang “panulaan” o “tula” ay isang uri ng sining at panitikan na kilala sa malayang paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo nito. Pinagyayaman ito sa pamamagitan ng paggamit ng tayutay. Ang mga likhang panulaan ay tinatawag na “tula”. Madaling makilala ang isang tula sapagkat karaniwan itong may batayan o pattern sa pagbigkas ng mga huling salita.


Binubuo ang tula ng saknong at taludtod, karaniwang ito ay wawaluhin, lalabindalawahin, lalabing-animin, at lalabing- waluhing pantig. Matalinghaga ang salitang binibitawan at ginagamitan din ng tayutay. May tugma at sukat, kung kaya minsan ay maiksi o kaya naman ay mahaba.

 

Mga Elemento ng Tula

  1. Sukat – ito ang bilang ng pantig sa bawat taludtod ng tula.
  2. Tugma – ito ang pagkakatulad o pagkakapare- pareho ng huling tunog o ng mga huling salita sa bawat taludtod ng tula.
  3. Tayutay – sinadya at malikhaing paggamit ng mga salita at paghahambing na hindi literal. Nalilikha ito ng orihinal, masidhi at hindi inaasahang imahel at pag-uugnayan. Tinatawag din itong figurative language o metaphorical language sa Ingles.
  4. Larawang-Diwa (Imagery) – Ito ang pinakapuso ng panulaan. Ito ay tumutukoy sa muling paglikha ng makata ng anumang karanasan dulot ng iba’t ibang pandama sa pamamagitan ng mga salita. Iniiwan nito sa mambabasa ang mga tiyak at malinaw na larawan.
  5. Simbolismo (Poetic Symbol) – Ito ay mga tunay o konkretong imahen na sumusulong sa atin na isipin ang kahulugang napapaloob dito.